TIMBOG sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang transportation network vehicle service (TNVS) driver na gumahasa at tumangay sa bag at suot na kuwintas ng babaeng kanyang pasahero, sa isang hot pursuit operation sa Cainta, Rizal, nitong nakaraang Lunes, 16 Hunyo.
Iniharap nitong Huwebes ni NBI-NCR Director and Spokesperson Ferdinand Lavin sa media ang suspek na si alyas Michael pagkatapos sumailalim sa inquest proceedings sa reklamong Robbery with Rape.
Nag-ugat ang pag-aresto nang idulog sa NBI-National Capital Region (NCR) ang reklamo hinggil sa insidente nitong Linggo, 15 Hunyo 2025, dakong 3:00 ng madaling araw nang sumakay ang biktima sa nai-book na TNVS sa bahagi ng south Metro Manila.
Dahil sa labgis na antok ay nakatulog ang biktima ngunit nagising nang maramdaman na ginagahasa na siya ng suspek habang nakaparada ang sasakyan.
Sa kabila ng kanyang pag-iyak at pagmamakaawa sinuntok siya nito sa tiyan.
Nang makaraos, pumunta sa unahan ng sasakyan ang suspek kaya agad na lumabas ang biktima. Habang humihingi ng saklolo ay inagaw pa ng suspek ang kanyang bag na naglalaman ng mga personal na gamit, kabilang ang iPhone 16 sabay pinitas ang suot na kuwintas, bago mabilis na tumakas.
Kinabukasan, 16 Hunyo, idinulog ng biktima kasama ang kanyang mga magulang sa NBI-NCR ang nasabing insidente.
Natunton ang operator ng TNVS na siyang nagturo kung saan nakatira ang suspek.
Ilang oras na surveillance ang isinagawa hanggang mamataan ang suspek na sakay ng e-bike malapit sa bahay nito sa Cainta, Rizal, kung saan siya inaresto.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com