MATINDING pinsala ang inabot ng isang taxi matapos madaganan ng container van na nahulog mula sa isang trailer truck na tumama sa footbridge sa bahagi ng Abad Santos Ave., sa lungsod ng Maynila, nitong hatinggabi ng Sabado, 14 Hunyo.
Sa kuha ng CCTV, nakitang liliko pakaliwa sa Recto Ave., ang taxi nang tumama ang dumaraang trailer truck sa footbridge, dahilan upang mahulog ang kargang container van sa taxi.
Bagaman walang laman ang container, nayupi pa rin ang bubong ng taxi dahil sa lakas ng pagbagsak nito.
Nabatid na pauwi sa Taytay, Rizal matapos magbaba ng pasahero ang taxi driver na kinilalang si Lito Sinco, 60 anyos, nang maganap ang insidente.
Dumating ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pinangyarihan ng insidente dakong 2:00 ng madaling araw at agad na isinara ang lugar habang tinatangkang ibalik ang container van sa trailer truck.
Kapwa dinala ang driver ng trailer truck at si Sinco sa Manila District Traffic Enforcement Unit para sa imbestigasyon.
Ayon sa kanilang mga inisyal na pahayag sa mga awtoridad, sinabi ng driver ng truck na nakadaan siya sa parehong ruta noon na hindi tumatama sa foot bridge.
Aniya, maaring tumaas ang kalsada dahil sa bagong lagay na aspalto kaya tumama ang container sa footbdridge.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com