“WALANG nabubuhay at umiibig mag-isa.” Ito ang makabuluhang pahayag na nagbibigay-inspirasyon sa libo-libong manonood na buong pusong tumatangkilik sa digital series ng Puregold Channel, ang Si Sol at si Luna.
Sa pagpasok ng ikatlong episode, patuloy na kinagigiliwan ang Si Sol at si Luna ng mga tagahanga ng romantic drama dahil sa mahusay at masining na naratibo, na inilulubog ang mga manonood sa buhay nina Zaijian Jaranilla (Sol) at Jane Oineza (Luna).
Bagamat nakasentro ang Si Sol at si Luna sa unti-unting pagkakabuo ng ugnayan ng isang batang filmmaker na inosente sa pag-ibig at isang babaeng sarado ang damdamin dulot ng matinding sugat ng nakaraan, nananatiling nakaugat ang kanilang mga kwento sa kalinga, ingay, at hamon ng mga taong nakapaligid sa kanila, isang katangiang totoo sa maraming Filipino, at bakas sa serye sa tulong ng isang masiglang supporting cast.
Halimbawa, kitang-kita ang paglalakbay ni Sol bilang isang estudyante sa pelikula sa presensiya ng kanyang matapat na mga kaibigan na sina Claudine (Uzziel Delamide) at Rey (Lyle Viray), na laging nariyan para tumulong sa kanyang thesis at makipagkulitan tuwing siya’y nalulungkot. Samantala, ang kaklase at tagahanga niyang si Ara (Karina Bautista) ay nagbibigay ng panibagong dimensiyon sa kanyang pagkatao.
Ayon kay Karina Bautista, malapit siya sa karakter niyang si Ara. “Ara is unafraid to express how she feels. She’s very confident and she wears her heart on her sleeve. Nakare-relate ako sa kanya sa deep motivation to succeed para sa mga taong mahal namin, pero masasabi ko rin na mas matapang si Ara sa akin.”
Tungkol naman sa epekto ng papel ni Ara sa ugnayan nina Sol at Luna, naniniwala si Karina na si Ara ay isang sariwang kabaligtaran ni Luna. “She’s young, emotionally transparent, and fearless in love. Her affection will challenge Sol to understand the difference between crush, admiration, genuine connection, and love.”
Samantala, hindi rin nag-iisa si Luna sa kanyang pagdadalamhati. Sa kanilang tahanan, tahimik siyang inaalalayan ni Manang Boneng (Marnie Lapus); sa opisina naman, nariyan si Ben (Joao Constancia), ang mabait at mapagpasensyang team leader na laging handang sumuporta. Kahit sina Jana (Jem Manicad) at Bridgette (Cheena Crab)—matabil at prangka—ay may papel sa personal na pag-unlad ni Luna.
Dahil isa siyang ina sa totoong buhay, natural para kay Marnie Lapus ang gampanan ang papel ni Manang Boneng. Bilang ina-inahan ni Luna, si Manang Boneng ay madaling mahalin, isang taong maalaga sa pamilya. Siya ang silungan ni Luna, lalong-lalo na ngayong siya ay nagluluksa at dumaraan sa emosyonal na krisis. Siya ang gabay sa gitna ng kalituhan.
Sa kabilang banda, ginagampanan naman ni Cheena Crab ang papel ng office bully na si Bridgette—isang karakter na kabaligtaran ng kanyang tunay na pagkatao. “In real life, wala naman talagang easy and perfect life, laging may struggle. Yes, pinahihirapan ni Bridgette si Luna, but then again, Luna will learn to fight back. Matututo siyang bumangon at ‘wag magpaapi.”
Para naman kay Joao na gumaganap bilang Ben, mahalaga ang pagpapakita ng suporta mula sa mga tao sa paligid natin. “Si Sol at si Luna is meaningful and significant because it is about love, empathy, and understanding one another. It’s about being kind to people around you—and this is always relevant no matter what age you are, or where you are in life.”
Ang Episode 3 na pinamagatang “Chasing the Girl” ay magdadala ng mas matitinding tagpo para kina Sol at Luna—mga eksenang tiyak na magpapasabik, lalo na sa pag-iisip patungo sa kanilang koneksiyon.
Sa direksiyon ng batikang filmmaker na si Dolly Dulu, ang Si Sol at si Luna ay isang digital series mula sa Puregold Channel. Tampok dito si Sol, isang estudyante ng pelikula, na nahumaling kay Luna, isang babaeng lubos na naapektuhan sa pagkawala ng lalaking minahal. Simula ng una nilang pagtatagpo sa isang biyahe sa bus, pursigido na si Sol na muling hanapin si Luna upang itampok siya sa kanyang thesis documentary tungkol sa pag-ibig.
Papayag kaya si Luna na maging bahagi ng pelikula ni Sol… at posible rin bang maging mas malaking bahagi siya ng buhay nito?
Huwag palampasin ang susunod na episode ng Si Sol at si Luna, mapapanood tuwing Sabado, 7:00 p.m. sa Puregold Channel sa YouTube.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com