SIPAT
ni Mat Vicencio
KUNG naglipana man sa lansangan ang mga taong-grasa at pulubi, higit na nakababahala sa ngayon ang mga pamilyang makikitang naghambalang at nakatira sa mga kalsada ng Metro Manila.
Hindi na nakagugulat ang ganitong pangitain sa Kalakhang Maynila. Mga pakalat-kalat na taong-grasa habang nagkakalkal ng basura, mga pulubing pilit na nagmamakaawa ng konting limos at mga pamilyang nasa bangketa ang tahanan.
Sa maraming administrasyong nagdaan, masasabing napabayaan at hindi nabigyan ng pansin ang mahihirap sa Kamaynilaan. Walang matinong programang naipatupad at sa kalaunan ay nagresulta ng pagdagsa ng pamilyang nanirahan sa mga lansangan.
At para tugunan ang problema ng mga pamilyang nasa bangketa, katuwang si DSWD Secretary Rex Gatchalian, sa pamamagitan ng Executive Order No. 52 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ipinatupad ang ‘Oplan Pag-abot Program’.
Layunin ng programa na bigyang solusyon ang malaking problema sa tinatawag na ‘homelessness’ at makaiwas sa panganib sa lansangan at matulungang makabangon sa kanilang mahirap na buhay.
At sa patuloy na pagpapatupad ng ‘Oplan Pag-abot Program’ ng DSWD, sinuyod ni Rex ang kahabaan ng NIA Road sa Quezon City kamakailan at sinagip ang umaabot sa 63 katao kabilang ang 18 pamilya na pawang naninirahan sa mga bangketa.
“Ang mga nakaharap natin ay pinakamahirap sa mahirap. Ito talaga iyong mga napilitang tumira sa lansangan at walang hanapbuhay, walang tahanan, so binibigyan natin sila ng panibagong buhay. Lahat ng mga mamamayan na nangangailangan ay kasama sa programa ng DSWD,” pahayag ni Rex.
Namamahagi rin ang DSWD ng pagkain at tulong pang-medical sa mahihirap na kababayan sa lansangan kabilang ang livelihood assistance at pagpapabalik sa kani-kanilang mga probinsiyang pinagmulan para muling makapagsimula ng kabuhayan.
Sabi pa ni Rex… “Matagumpay tayo sa utos ng ating pangulo na siguruhing walang pamilyang Filipino na nakatira sa lansangan. Noong sumali tayo sa departamento, pinaigting natin ito. Simula nang programa noong 2023, hindi kulang sa 10,000 pamilya ang naitala natin na nakatira sa lansangan. Ngayon merong 5,000 pamilya pa ang nakatira sa lansangan at babalik-balikan namin iyon. Hinding hindi kami titigil!”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com