NADAKIP ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na holdaper na nangholdap sa isang junkshop sa Quezon City, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ang biktima na sina alyas Boboy, 46 anyos, junkshop owner, asawa niyang si Lulu, 43, at ang 18-anyos nilang helper na si alyas Jhun Paul, binata, pawang nakatira sa No. 95 Congressional Ave., Bahay Toro, Quezon City.
Nadakip ang mga suspek na kinilala sa mga alyas na Wenceslao, 32 anyos, construction worker; Santos, 24; Umali, 25, at Montenegro, 24, pawang walang trabaho.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), 12:40 ng madaling araw nitong Biyernes, 6 Hunyo, nang maganap ang insidente sa Princess Junkshop sa Congressional Ave., Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon, armado ng mga baril, biglang pumasok ang mga suspek sa Princess Junkshop at nagdeklara ng holdap saka mabilis na nilimas ang mga pera at mobile phone ng mga biktima saka tumakas sakay ng kanilang mga motorsiklo.
Agad inatasan ni P/Col. Randy Glenn Silvio, Deputy District Director for Administration/Officer-In-Charge ng QCPD ang kaniyang mga tauhan na magsagawa ng joint operation na nagresulta sa agarang pagkakadakip ng mga nasabing holdaper.
Sa isinagawang CCTV forward tracking at backtracking ng QCPD joint operatives, nakita ang mga suspek sa Caloocan City kung saan sila naaresto sa koordinasyon ng Caloocan PNP dakong 1:40 ng hapon nitong Sabado, 7 Hunyo 2025 sa Binata St., Brgy. 144, Bagong Barrio.
Nasamsam sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng 3 bala, isang replica ng pistol color black, at sumpak.
Inihahanda na ang kaso laban sa mga nasabing kawatan. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com