PATAY ang isang 28-anyos lalaki at kaniyang aso nang makoryente habang natutulog habang tumataas ang baha dahil sa high tide at inabot ang kanilang extension cord sa bayan ng Hagonoy, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 31 Mayo.
Kinilala ng Hagonoy MPS ng biktimang si Gene Darel Aguilar, residente sa Bgry. San Isidro, sa naturang bayan.
Ayon sa ina ng biktima, natutulog ang kaniyang anak kasama ang kaniyang aso nang pasukin ng tubig mula sa ilog ang kanilang bahay dahil sa high tide.
Natagpuan siyang walang malay ng kaniyang kapatid katabi ang wala nang buhay na aso.
Agad siyang dinala sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na nakasaksak malapit sa higaan ni Aguilar ang extension cord.
Naniniwala ang pamilya na hindi inakala ng biktima na tataas ang tubig at aabutin ang extension.
Nabatid na tanging si Aguilar kasama ang kaniyang aso ang nasa loob ng bahay.
Samantala, nananawagan ang ina ng biktima sa pambansa at lokal na pamahalaan ng pagbibigay ng pangmatagalang solusyon sa pagbaha sa kanilang lugar na inabot na ng dekada tuwing uulan at magha-high tide.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com