KAKAIBA at kahanga-hanga ang nakaisip ng Unleash Pawscars Short Film Festival dahil ito ang pagkakataon para maipakita ang pagmamahal at pagpapahalaga sa mga alagang aso o pusa na magpapakita ng kanilang kagalingan.
Noong May 27, 2025 inilunsad sa pamamagitan ng isang media conference at jury signing ang pagsisimula ng festival.
Kaya sa mga animal lover, ang festival na ito ay para sa inyo. Ito na ang pagkakataon para maipakita ang ugnayan ng tao sa kanilang mga alagang hayop sa pamamagitan ng pelikulang may temang magpapakita ng pagmamahal o kagalingan ng mga alaga. Maaari itong nakatatawa, documented, animated o anumang estilo ng pagpapahayag.
Sa naturang paglulunsad, ipinakilala ng mga organizer ang bubuo ng mga hurado ng festival na pangungunahan ng premyadong direktor at Film Development Council of the Philippines chair Joey Reyes. Kasama niya sina Arvin Belarmino, isang standout sa indie scene, at Joseph Abello, na madalas tumatalakay sa mga tema na may kaugnayan sa lipunan sa kanyang trabaho.
“Nakatutuwa ang concept ng Pawscars. It’s not just a film fest — it’s about real connection,” pahayag ni Direk Joey sa mediacon ng fesival.
Hindi itinago ni direk Joey ang excitement ng festival dahil siya mismo pala ay may mga alagang hayop. Nae-excite siya na makita kung ano ang mga kwentong isusumite.
“Hindi pa ako nakapagdirehe ng hayop, kaya excited ako sa mga bagong kuwento. Gusto ko ‘yung raw, real emotions na ibinibigay ng pets,” wika naman ni Arvin.
‘“Yung bond natin sa animals, minsan ‘yun na lang ang nagbibigay ng peace of mind. Sa pelikula, puwede nating ibahagi ‘yung pagmamahal na ‘yon,” pagbabahagi naman ni Joseph.
“Ang Pawscars ay higit pa sa isang kompetisyon sa pelikula. Ito ay isang pagdiriwang ng walang pasubaling pagmamahal at kagalakan na hatid ng mga alagang hayop sa ating buhay – mga kuwentong karapat-dapat makita at marinig ng lahat,” ani Mark Sakay, festivaldirector.
Sa mga interesadong makiisa, ang Pawscars filmfest ay bukas sa lahat ng mamamayang Filipino. Hindi kailangan ng magarbong antas ng camera o pelikula — isang kuwento lang at isang alagang hayop na handa para sa spotlight ag kailangan para ikaw ay makiisa sa festival.
Maaaring umabot ng hanggang 20 minuto ang iyong pelikula (kasama ang mga credit) at dapat sumunod sa makataong kasanayan sa paghawak ng hayop. Kung wala sa English o Tagalog ang iyong pelikula, tiyaking maglagay ng English subtitle.
Ang deadline ng pagsusumite ay sa Agosto 31, 2025 at ang mga finalist ay iaanunsyo sa Setyembre 15. Dapat ay available rin ang mga finalist para sa Pawscars Night sa Disyembre 14, na ipalalabas at ipagdiriwang ang mga piling pelikula. Ang magwawagi ng engrandeng premyo ay mag-uuwi ng ₱150,000.
Sinabi pa ng pamunuan ng festival na hindi sasagutin ang mga gastos sa paglalakbay, kaya magplano ng maaga kung sasali ka mula sa ibang bansa.
Para sa iba pang katanungan bisitahin ang https://unleash.ph. (MValdez)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com