KAPWA nalagutan ng hininga ang isang babae at kaniyang kinakasama matapos magpalitan ng saksak sa gitna ng kanilang pagtatalo dahil sa mga aayusin sa kanilang bahay sa Brgy. Tabugon, lungsod ng Kabankalan, lalawigan ng Negros Occidental, nitong Martes, 20 Mayo.
Kinilala ang mga namatay na sina Marilie, 26 anyos, isang kasambahay, at kaniyang kinakasamang si Fernan, 30 anyos, isang construction worker.
Ayon kay P/Lt. Col. Roberto Indiape, Jr., hepe ng Kabankalan CPS, bago ang insidente ay nag-uusap ang dalawa tungkol sa pag-aayos ng kanilang bahay.
Ayon sa ulat, sinabi ni Marilie sa kaniyang asawa na patuloy siyang magtatrabaho sa siyudad upang magkaroon ng sapat na perang pampaayos sa kanilang bahay ngunit hindi pumayag si Fernan na nagresulta sa pagtatalo at pagpapalitan ng saksak.
Nasaksihan ng 6-anyos anak ni Marilie sa kaniyang unang kinakasama ang insidente ng karahasan, na siyang humingi ng tulong sa kaniyang lolang nakatira sa hindi kalayuan.
Dinala ang mag-asawa sa pagamutan kung saan sila idineklarang wala nang buhay dahil sa mga tama ng saksak sa kanilang mga katawan.
Narekober ng pulisya ang mga patalim sa pinangyarihan ng insdente.
Ani Indiape, ito ang unang beses na naging marahas sa kanilang pagtatalo ang mag-asawa.
Samantala, nasa pangangalaga ng kaniyang lola ang 6-anyos na anak na babae ni Marilie.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com