TARGET ng Commission on Elections (Comelec) na maiproklama ang 12 nagwaging senador sa katatapos na midterm elections nitong Lunes, 12 Mayo 2025.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa Sabado, 17 Mayo, ang pinakamaagang petsang makapagsagawa ng proklamasyon.
“Baka itong Sabado o Linggo, sana makapag-proklama na tayo ng senador,” ani Garcia.
“Mabilis naman e. Tingnan ninyo 98.9% na nga ang nandiyan, kapiraso na lang ang kulang. Kahit siguro wala ‘yung kulang basta maipadala sa amin sa national board perhaps baka wala nang effect ang natitirang results. Pero s’yempre kailangan ang Comelec 100% ang canvass. Walang kahit isa man na COC ang maiiwan pag nag-canvass ang Comelec,” dagdag niya.
Hanggang nitong Martes ng tanghali, o isang araw matapos ang halalan, nasa 98.99% na ang nai-transmit na local election returns (ERs) sa Comelec transparency servers. Ito ay 92,453 mula sa 93,387 inaasahang total ERs.
Muling nag-convene ang Comelec, umuupo bilang National Board of Canvassers (NBOC), nitong Martes ng hapon upang ipagpatuloy ang canvassing ng mga boto sa pagka-senador at partylist groups sa katatapos na midterm polls sa bansa.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com