MATABIL
ni John Fontanilla
SALUDO ang actor na si Zyrus Desamparado sa sobrang kabaitan ng Grand Champion ng The Voice USA Season 26 na si Sofronio Vasquez.
Nagkasama ang dalawa sa Sinulog Festival Parade na naimbitahan si Zyrus ng kaibigan nito at nakasama sa dating teen show ng TV5, ang Lipgloss na si Neil Coleta para sumakay sa karosa ng Don Macchiato na ambassador ang huli.
“Sobrang bait ni Sofronio Tito John, walang ka ere-ere hindi niya ipararamdam sa ‘yo na grand winner siya ng ‘The Voice USA.’ Napaka-humble at laging may nakahandang ngiti sa lahat ng tao.”
Mula sa parada ay naging close ni Zyrus si Sofronio na nakasama sa paglibot sa Cebu lalo na at naka-base na sa Cebu ang una na siyang nagsilbing tour guide ng grupo ng Pinoy pride.
“Walang kaarte-arte si Sofronio at mga kasama niya, kasi after ng event niya nagkayayaan lumabas, kaso sa sobrang dami ng tao sa kalsada dahil sa street dancing’ di gumagalaw ‘yung sasakyan.
“Kaya nagdesisyon kami na mag-motorsiklo at game na game naman si Sofronio at mga kasama niya para makapunta kami sa iba’t ibang lugar dahil kinaumagahan ay aalis na sila papuntang Manila,” kuwento ni Zyrus.
Nangako si Sofronio na ‘pag bumalik muli ng bansa ay tatawagan niya si Zyrus para muling mamasyal sa Cebu para mas malibot ang iba pang magagandang lugar doon.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com