Friday , January 10 2025
Sam SV Verzosa Quiapo Nazareno

Sam Versoza 16 taon nang namamanata sa Nazareno, miyembro ng Hijos del Nazareno

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio

KONGRESISTA o simpleng tao, patuloy pa rin ang pamamanata sa Itim na Nazareno ni Sam “SV” Verzosa. Viva Nazareno!

Ito ang ika-16 na taon na pagsampa sa Andas ng Nazareno o “lubid” sa Translacion ni SV ngayong araw para sa taong ito, 2025.

Kahapon, nagkaroon kami ng pagkakataong makausap ang tatakbong mayor ng Maynila, si SV sa “Pahalik” sa Quirino Grandstand sa Luneta sa Itim na Nazareno.

“‘Wag natin kakalimutan ang tunay na diwa ng pananampalataya kung bakit tayo narito, bakit tayo naging deboto,” panimula ni SV nang hingan namin ng mensahe para sa mga namamanata sa Mahal na Nazareno.

“‘Yung koneksiyon natin, ‘yung pagdarasal natin kung minsan marami nang sumasama na gusto lang makasama. Curious lang. Alamin natin ‘yung tunay na diwa ng translasyon at tunay na pananampalataya ng isang deboto.

“Sabi ko nga kanina, ang pananampalataya na walang gawa ay patay na pananampalataya. So kailangan isabuhay natin, hindi lang sa isang araw kundi sa buong buhay natin ‘yung pagiging deboto,” dagdag pa.

Sa 16 na taon nang namamanata o deboto ni SV sa Nazareno, miyembro na siya ng Hijos del Nazareno.

Ngayon kasama na ako sa Hijos del Nazareno. Iyon po ang nangangalaga, pumoprotekta sa Nazareno, nagsisilbi sa simbahan, naghihikayat sa mga tao na manampalataya.

“At tuwing translasyon sila po iyong nasa itaas ng Andas,” esplika ni SV.

“Lalahok pa rin ako bukas (ngayon). Debosyon ko ‘yan, ipinangako ko iyan, panata ko na iyan. Isa sa paraan ko iyan para makapagdasal ng taimtim at makakonek sa ating Mahal na Nazareno. 

“Isinasama nila ako para sa pagsampa sa Andas pero sa baba na lang ako at para sa lubid na lang,” pagbabahagi pa ng kongresista na hindi pa man deboto noon ay sinagot na agad ng Nazareno ang kahilingan nang minsang manalangit. Kaya naman simula noon, ipinangako nang magiging mamamanata na sa Nazareno. 

“Sixteen years ago bago ako namanata, down na down ako, araw ng Nazareno noon, nag-iikot-ikot ako sa Maynila nakikita ko may mga naglalakad. May problema ako, may hinahabol akong bayarin, may kailangan akong habuling big project. Ipinagdasal ko.

“Sinabi ko na tulungan ako at mamamanata ako sa Iyo habambuhay. At alam mo, God works in mysterious ways. Talagang noong araw na iyon for some reason natupad agad ang idinasal ko. Natupad agad ang mga kailangan ko at na-solve ang mga problema ko,” masayang pagbabahagi ni SV. 

“At simula noong araw na iyon nabago ang buhay ko. Gumanda, umasenso, full 360 degress, more than that pa nga eh. Bukod kasi sa mga ipinagdasal ko, sobra-sobra pa ang ibinigay sa akin ng Panginoon.”

Kaya naman ibinahagi rin ni SV ang mga natanggap niya sa iba lalo na nang nasa posisyon na siya. 

“Hindi ko kakalimutan ang mga biyayang ibinigay niya at isine-share ko sa mga kababayan natin. Kaya nga ang dasal ko ngayon ay hindi na para sa sarili ko kundi para sa ibang tao, sa bayan natin. 

“Ngayon para sa lungsod ng Maynila ‘yun ang dasal ko na magkaroon ng improvement sa buhay ng mga kababayan natin,” sabi pa ng host/politiko na nakiisa rin kahapon sa Pahalik.

Ani SV magkaiba ang pakiramdam sa pakikiisa sa Pahalik, pagsampa sa Andas, at lubid.

“Grabe na sa tuwing nalalapit ako sa Mahal na Poong Nazareno, nararamdaman ko ang presensiya at talagang kahit 16 years na akong namamanata, iba pa rin ‘yung nararamdaman kong kilabot lalo ngayon nakita ko siya ng malapitan. Kasi kalimitan nakikita ko siya ng malayo kapag nagsisimba ako sa Quiapo. 

Mahirap din ipaliwanag iyong nararamdaman sa pagsama sa Translasyon. Tanging mga deboto ang nakakaalam. Marami nga ang pumupuna bakit kailangan  gawin? Bakit kailangang sumampa? Kailangang lumubid? 

“Pero para sa aming mga deboto mas nararamdaman mo ‘yung presensiya ng Panginoon. Mas ramdam namin kapag nagdarasal kami habang naglu-lubid. Mas ramdam namin kapag nahahawakan ‘yung krus kasi sobrang hirap niyang gawin.

“So kapag nalampasan mo ang lahat ng hirap na iyon tapos nagawa mo, may some sense of reward niyong nahawakan mo na. Mas mararamdaman mo ang presensiya. Mahirap i-explain sa mga hindi naniniwala pero sa mga naniniwala wala ng explanation.

Nasabi rin ni SV na, “Hinihingi ko sa ating Poon na sana’y bigyan tayo ng lakas na gumawa ng mabuti at umiwas sa mga temptasyon dahil lahat tayo ay tao lamang nakagagawa ng kasalanan pero sana gabayan tayo at masunod natin ang buhay ng mahal na Kristo.

“Marami rin akong ipinagpapasalamat sa Nazareno.  Pasasalamat sa lahat ng biyaya niya, good health, success, tagumpay sa aking karera, blessings sa mga biyayang ibinigay niya at ngayon na inilagay niya ako sa posisyon para tumulong at para bumago ng mas maraming buhay. Patuloy ang pasasalamat ko at siyempre may mga dasal ako hindi na lang para sa akin more on sa mga kababayan natin hindi lang sa Maynila siyempre para sa lahat.”

Simula kahapon hindi na umalis si SV sa Quirino Grandstand. Naghintay na iyon sa misa na isinagawa ng 12 midnight at pagkaraan ay sumama na sa prusisyon kaninang madaling araw at tuloy-tuloy na hanggang mamayang gabi hanggang sa maihatid ang Mahal na Nazareno sa Quiapo.

“Mas gusto nga namin the more na nahihirapan kami dahil feeling ko mas malaki ang sakripisyo, mas malaki ang blessings o tagumpay na nakakamit namin pagkatapos ng translasyon.

“Mas masarap din ang pakiramdam, mas matindi ang sakripisyo mo mas masarap sa pakiramdam,” dagdag pa.

About Maricris Valdez Nicasio

Check Also

Jimmy Bondoc

Jimmy Bondoc, sumabak na rin sa politika

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio MAHALAGANG taon at malaki ang magiging pagbabago ng 2025 sa singer, lawyer, …

MMFF 50

Kontrobersiya sa MMFF 

PUSH NA’YANni Ambet Nabus KAYA naman ‘yung mga traydor na hanggang ngayon ay naglilinis-linisan sa …

Vilma Santos Ed de Leon

Ate Vi dinalaw puntod ni Kuya Ed de Leon

PUSH NA’YANni Ambet Nabus NAG-IISA ka talaga ate Vi, ang ating minamahal na Star For …

Cristy Fermin Darryl Yap The Rapists of Pepsi Paloma

Cristy kinuwestiyon si direk Darryl Yap; respeto sa kapwa iginiit

KONTRA si Cristy Fermin sa pagsasapelikula ni Darryl Yap ng The Rapists of Pepsi Paloma. Ang dahilan, tila gusto raw …

Dina Bonnevie Deogracias Victor DV Savellano

Asawa ni Dina na si DA Usec Victor pumanaw sa edad 65

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio PUMANAW na ang asawa ng batikang aktres na si Dina …