IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak anim na araw matapos pumasa sa Licensure Exam for Teachers (LET), nang pagbabarilin sa bayan ng Pikit, lalawigan ng Cotabato, nitong Miyerkoles ng hapon, 18 Disyembre.
Ayon kay P/Maj. Arvin John Cambang, hepe ng Pikit MPS, pauwi mula sa kaniyang trabaho bilang tesorero ng Barangay Macabual, sa bayan ng Tugunan, ang biktima nang harangin ng dalawang hindi kilalang suspek saka siya pinagbabaril.
Narekober ng pulisya ang anim na basyo ng bala ng 9mm habang dinala ang biktima sa pagamutan ngunit hindi na nagawang sagipin ng mga doktor dahil sa tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo.
Iniuwi siya ng kaniyang pamilya para sa agarang paglilibing na naayon sa kanilang relihiyon.
Nabatid na nagtatrabaho rin ang biktima bilang guro sa isang pribadong paaralan sa Brgy. Macabual.
Dagdag ni P/Lt. Col. Cambang, may tinitingnan na silang posibleng motibo sa likod ng krimen at mayroon nang persons of interest kaugnay sa insidente.
Patuloy ang pagkalap ng impormasyon at ebidensiya upang maisampa ang karampatang kaso.
Naulila ng guro ang kaniyang asawa at mga anak.