KINONDENA ng isang kongresista mula sa Mindanao ang tinagurian nitong “Makabagong Makapili” o mga Pinoy at Tsinoy at kanilang mga bayarang troll ay vlogger na nagsisilbing ‘parrot’ ng China.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairperson ng House Quad Committee, at House Committee on Dangerous Drugs ang mga ‘Makabaging Makapili’ ang dumedepensa at nagkakalat ng maling impormasyon kaugnay ng ginagawa ng China sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Barbers, nakalulungkot ang ginagawa nila dahil ang dapat nilang sinusuportahan ay ang Filipinas at hindi ang China.
“Sila ang nagpapalaganap ng mga maling impormasyon laban sa sarili nating bayan. Mariin nilang sinasabi na tama ang Tsina sa pag-angkin ng mga teritoryo natin at dapat daw makipag-dialogue tayo upang malutas nang mahinahon ang sigalot na ito,” sabi ng mambabatas.
“Hindi ba nila nakita o nalaman ang ilang beses na pakikipag-usap natin sa mga lider ng Tsina? Ano na ang kanilang naging tugon? Iisa lamang – amin ang buong karagatan (sa WPS), pati ang buong Filipinas, amin,” dagdag nito.
Sa isang privilege speech, kinondena ni Barbers ang China sa sinabi nito na makikipagnegosasyon lamang sa Filipinas kung ibabasura ng bansa ang naging desisyon ng United Nations Conventions on the Law of Sea (UNCLOS) at ruling ng Hague-based International Arbitral Tribunal na ang WPS ay sa Filipinas.
“Sinabi pa nga nila kaya South China Sea ang tawag doon ay patunay na pag-aari nila ‘yun. Nakatatawa sapagkat mga Portuguese ang nagtawag dito na South China Sea, na noo’y tinatawag na Champa Sea, named after the Austronesian Kingdom of Central Vietnam,” sabi ng mambabatas.
“This, despite the clear as the morning sun ruling of UNCLOS and IAT that China’s claim of historic rights to resources in areas falling within its invisible demarcation line (in the West Philippine Sea) ‘had no basis in law and is without legal effect’,” dagdag ni Barbers.
“At kung historical rights ang basehan ng China sa WPS, dapat pag-aari ng Mongolia ang buong Tsina sapagkat nasakop nila ‘yan noong Yuan Dynsasty sa pamumuno ni Mongolian Emperor Kublai Khan. Gayon din ang Filipinas na aangkinin ng Spain o España sapagkat mahigit 300 years nila tayong sinakop,” paliwanag nito.
Sinabi ni Barbers na ang gusto ng China ay kilalanin ang kanilang “no legal basis territorial lines” kahit na malinaw ang desisyon na ang WPS ay nasa loob ng 200 nautical mile exclusive economic zone ng Filipinas.
Nanawagan si Barbers sa mga Filipino na magkaisa sa pagkondena sa ginawa ng China sa WPS. (GERRY BALDO)