SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
EMOSYONAL na ibinahagi Vice Ganda na nagpapa-therapy siya dahil sa kanyang mental health problems.
Ang pag-amin ay ibinahagi ni Vice sa And The Breadwinner Is media launch noong Huwebes na ginawa sa Dolphy Theater.
Napunta ang usapan sa hirap at sakripisyong pinagdaraanan ng mga breadwinner dahil ito ang tema ng pelikulang handog ng Star Cinema at IdeaFirst Company. At dito naibahagi ni Bice na nagkaroon siya ng mental health issues.
Ani Vice, naniniwala siya na lahat ng breadwinner ay may kanya-kanyang hugot sa buhay lalo ang mga taong dala-dala ang responsibilidad ng pamilya.
“Hindi ako ready doon,” emosyonal na pagtatapat ni Vice. “Siyempre, imposibleng hindi ka magkaroon ng mental health issues as a breadwinner.
“‘Yung pagpasan ng napakaraming problema mag-isa, imposibleng hindi ka magkaroon ng mental health issues.
“‘Yung pakiramdam ng nag-iisa ‘yun ang pinakamahirap. Hindi naman mawawala ang pagsubok sa buhay araw- araw, eh, hindi ba? Pero marami tayong pagsubok na nalalampasan natin na madali kasi marami tayong katuwang.
“Pero kapag nag-iisa ka at alam mong wala kang maaasahan, ang sakit niyon sa ulo. Ang hirap niyon matulog, ang hirap niyon mag-isip.”
“Lalo na kung ang nararamdaman mo hindi mo masabi at wala kang mapagsabihan at walang gustong makinig sa gusto mong sabihin. ‘Yun ang magko-cause sa ‘yo ng mental health issues,” mahabang paliwanag pa ng komedyante.
Nasabi rin ni Vice na sumasailalim siya sa therapy sessions para mabantayan ang mental health condition niya.
“How did I cope up? I underwent therapy. Actually not underwent, I am still undergoing therapy. Nag-therapy ako noon at hanggang ngayong nagti-therapy pa rin ako.
“At yun ang isang bagay na hindi ko gustong ihinto parang ginagawa kong regular ‘yung pagti-therapy kasi gusto kong matulungan ang sarili ko kasi marami pa akong gustong gawin kagaya nitong ‘Breadwinners.’
“Marami pa akong pangarap, marami pang nakapasan sa ‘kin, marami pa akong gustong gawin.
“Gusto kong manatiling malusog hindi lang ang pangangatawan ko kundi pati ang kaisipan ko kaya nagti-therapy ako hanggang ngayon.
“This is something na hindi ko masyado kasing nasi-share pa kaya nabigla ako (sa tanong), pero naisip ko, parang, ‘ano naman ang nakahihiya kung nagte-therapy ako?’
“At saka gusto ko ring malaman n’yo na ‘yeah, nagte-therapy ako. I am proud of it at ito’y isang bagay na hindi natin dapat pinagdadalawang-isip na gawin dahil going to a therapy or seeking help sa isang Psychiatrist, Psychologist o sa isang professional para tulungan ka sa iyong mental health issues should be as normal as going to the dentist, ‘di ba?
“It should be as normal as going to the derma kung may problema ka sa skin. ’Yung ganoon. So, yeah, ‘yun. Para maharap ko at maalagaan ko ang aking pangangailangang mental, ako po ay nagte-therapy every now and then hanggang ngayon,” dagdag pa ni Vice Ganda.
Showing na sa December 25 ang And The Breadwinner Is…” na bahagi ng 50th MMFF. Mula ito sa direksiyon ni Jun Robles Lana.
Kasama rin sa pelikula sina Eugene Domingo, Joel Torre, Jhong Hilario, Gladys Reyes, Kokoy de Santos, Lassy Marquez, MC Calaquian, Ion Perez, Petite, Divine Tetay, Gina Pareño, Al Tantay, Kiko Matos, Via Antonio, Malou De Guzman, at Negi.
Sa kabilang banda, magkahalong saya at hugot ang ibibigay na kwentong pang-pamilya ng And The Breadwinner Is…
Masasaksihan dito ang mga nakatatawang banat ni Vice pati na rin ang mga hugot ng pamilya na may kirot sa puso. Dapat din abangan ang muling pagsasama nina Vice at Eugene na tumatak sa puso ng mga manonood ang kanilang on-screen chemistry noon.
“Ang istorya niya masyadong personal. Kaya ‘yung iyak, sigaw, at hagulgol, hindi ko na inarte. Naisigaw ko para sa breadwinners, naiiyak ko ‘yung matagal nilang kinimkim,” sabi ni Vice.
Iikot ang kwento ng And The Breadwinner Is… kay Bambi (Vice), isang OFW sa Taiwan at ilang taon nang isinakripisyo ang buhay bilang breadwinner para sa kanyang minamahal na pamilya.
Sa pag-uwi ni Bambi sa Pilipinas para sorpresahin ang pamilya, madudurog ang puso nang malamang patong-patong ang problema at palugi na rin ang kanilang negosyo. Alang-alang sa pangarap na makaahon sa buhay, isusugal ni Bambi ang lahat para sa pagkakataong makakuha ng P10-M ngunit kapalit nito ay ang peligrong maaaring maging dahilan ng pagkawatak-watak ng pamilya.