HATAWAN
ni Ed de Leon
HALOS matapos ang limang araw na pinayagan si Neri Naig na madala sa ospital nang magkaroon siya ng matinding stress dahil sa patong-patong na kasong isinampa laban sa kanya at ang pagkaka-aresto pa ng pulisya. Nang ibinalik na siya sa Pasay City Jail ay agad namang nagpalabas ang RTC Branch 112 ng Pasay City ng kautusan na palayain agad si Neri sa pagkakakulong at inutusan ang piskalya na pag-aralan ang kasong isinampa laban sa dating aktres.
Inilaban kasi ng legal team ni Neri na hindi naman siya dapat kasuhan ng syndicated estafa dahil hindi naman siya bahagi ng kompanyang nang-scam kundi endorser lamang ng serbisyo at mga produkto niyon. Nagbigay din ng opinyon si dating senador Kiko Pangilinan, na tiyuhin pala ng asawa ni Neri na si Chito Miranda, na ang commercial endoser lamang ng isang serbisyo o produkto ay hindi dapat isabit sa anumang ibang pananagutan ng kompanya. Isa pang inilaban ni Neri ay hindi siya nabigyan ng pagkakataon ng piskalya na iharap ang kanyang depensa laban sa akusasyon sa kanya, basta na lang pumasok iyon sa korte na nagpalabas naman ng warrant of arrest pati na sa syndicated estafa, na walang piyansa.
Dahil doon nagharap ang mga abogado ni Neri ng motion to quash at habang pinag-aaralan iyon ay inutusan nga ng korte na repasuhin ang kaso sa piskalya at magsumite ang piskal ng panibagong motion sa korte, kabilang na ang opinyon nila sa motion to quash na iniharap ng mga abogado ni Neri. At kasabvay niyon, iniutos din sa BJMP na agad na i-release si Neri, na naglagak na rin naman ng piyansang P1.7-M para sa 14 na kaso ng securities regulation code.
Nakapaglagak si Neri ng piyansa para roon noong Sabado. Noong una ay hindi sila nagpiyansa agad dahil magbayad ka man ng piyansa mananatili pa rin siyang nakakulong dahil sa kaso ng syndicatred estafa na hindi nga bailable.
Umaasa ngayon ang legal team ni Neri na papaboran na ng korte ang motion to quash kung mapatunayan nilang wala naman talagang kinalaman ang aktres sa scam. Ibig sabihin, mapadadali rin ang kaso ni Ruffa Mae Quinto na idinemanda rin dahil sa parehong kaso, ganoong endorser lang naman sila ng kompanyang sinasabing nang-scam.