SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
DINIG na dinig namin sa labas ng sinehan ng Fishermall ang tilian, palakpakan, hiyawan at nakita namin ang paminsan-minsang paglabas ng ilang sa mga nanood ng Topakk na pinagbibidahan nina Arjo Atayde at Julia Montes noong Miyerkoles ng hapon sa isinagawang Celebrity and Influencer Advance Screening.
Nasa labas kasi kami ng sinehan at hinihintay namin si Sylvia Sanchez ng Nathan Studios, producer ng Topakk para makisabay sa pagpunta sa gagawin namang media conference ng pelikula sa may Brgy San Antonio, Quezon City.
At habang naghihintay may lumabas na isang influencer dahil nag-a-acid reflux daw sya sa tindi ng action. Pero maya-maya ay pumasok muli dahil nanghihinayang na hindi mabuo ang panonood.
At habang nasa mediacon nakausap namin ang isang Influencer, si Ynah Evans para tanungin ang experience o kung ano ang masasabi niya sa pelikulang Topakk.
Ani Ynah, “Kung nakakalasing ang ‘Topakk,’ lasing na lasing na ako. Sobrang action pack. Nag-e-expect lang ako ng normal na action film
na napapanood ko lang sa Pinoy film pero ang dami nilang in-offer na bago.
“As in gising na gising kami. Pumapalakpak kami, hinihingal kami kasama ng cast. Feeling namin kasama kami nila na timatakbo o ‘yung nasa pelikula rin kami,” sabi pa ni Ynah.
“Sobrang unpredictable pa ng movie. Ang galing ni direk Richard Somew. Iniisip ko kung paano siya ginawa kasi ang gagaling. Kaya hindi ako nagtataka kung bakit naipalabas siya sa ibang bansa. Hindi sa kung anong festival lang ha!
“World class talaga siya at ang gaganda ng action scenes. Para siyang video game na naging pelikula,” paglalarawan pa ni Ynah.
Pinaka-nagustuhan daw niyang eksena ay iyong kay Julia. “Lahat ng eksena ni Julia. Nagulat kasi ako. Siyempre nakita ko na si Julia sa teleserye kasi iba ‘yung paglabang ginawa niya rito. Parang na-stress ako.
“Ayaw kong mag-spoil pero iyong mga ginawa niya kung paano siya lumaban, kung paano niya tinalo mga kalaban niya nakakaloka like napapasigaw na lang kami.
“Kaya kailangan ninyong mapanood ay kailangan may matatag kayong sikmura para kayanin ninyo ang mga eksena,” pagpapaalala no Ynah.
“Sana hindi kayo busog at sana may dala kayong pop corn at dala ninyo ang inyong mga kaibigan lalo na kung fan ng mga action film dahil hindi kayo mabo-bore, hindi madi-dis appoint at hindi masasayang ang pera ninyo.
“Alam mong worth it at ang pelikula ay pinagkagastusan, pinag-isipang action scene, at grabe talaga ang mga action scene as in grabe talaga! Gusto ko nang maging action star,” nangingiting sabi pa ng magaling na Influencer.
Kaya sa mga gusto ng hard action, pumila na da December 25 sa mga sinehan dahil tiyak hindi sayang ang pera at pagpila ninyo. Ang Topakk ay isa sa 10’entry na kasama sa 50th MMFF.