INILUNSAD ng Victory Liner nitong Miyerkoles, 27 Nobyembre, ang pagbiyahe ng kauna-unahang fully electric bus sa bansa sa kanilang Baler motor pool, sa Quezon City.
Ayon kay Marivic Hernandez del Pilar, presidente at general manager ng Victory Liner, bibiyahe ang dalawang unit ng electric bus sa ruta ng Cubao (Quezon City) hanggang sa San Fernando City, Pampanga.
Magsisimula ang biyahe ng dalawang electric bus na may kakayahang maglulan ng 65 pasahero sa una hanggang pangalawang linggo ng Disyembre.
Ayon kay Del Pilar, ang naturang milestone ay kaugnay sa misyon at bisyon ng Victory Liner na magkaroon ng carbon-neutral transport sa bansa.
Nananawagan din siya sa pamahalaan at sa pribadong sektor na tangkilikin ang pagbiyahe ng electric bus sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Del Pilar ang dedikasyon ng kompanya na bawasan ang carbon emissions at pagbibigay sa publiko ng moderno at komportableng transportasyon.
Nagmula sa Higer, isang global electric vehicle company, ang dalawang unit ng electric bus na parehong mayroong 485 kWh na baterya ay kakayahang bumiyahe mula 350 hanggang 400 kilometro.
Kasama ni Del Pilar sa pag-iinspeksiyon at pagpapasinaya ng mga bagong electric bus sina Transportation Undersecretary Jesus Ferdinand “Andy” Ortega at Allen Zhou, kinatawan ng Higer.
Matapos ang paglulunsad, nagsagawa ng test drive sa kahabaan ng EDSA.