NANAWAGAN si Brian Poe Llamanzares, nominado ng FPJ Panday Bayanihan Partylist, na magtulungan para sa pangangalaga ng kalikasan para ilaan sa mga susunod pang henerasyon.
Sa kanyang libro, sinabi ni Poe na kailangan ng pagbabago samga gawi, magtulungan ang mamamayan at komunidad, at suportahan ang mga batas na tutulong sa kalikasan.
Nananatili ang koordinasyon ni Poe sa Green Cities Initiative, isang proyektong nagtataguyod sa pagkakaroon ng berdeng espasyo sa lungsod at impraestruktura na makatutulong sa kapaligiran.
Dahil dito ay naipatupad ang mga berdeng bubong, urban farming, at sistema ng transportasyon na nakabatay sa pangangalaga ng kapaligiran.
“Hindi na tayo puwedeng maghintay pa. Kailangan na nating kumilos ngayon. Kung magtutulungan tayo, magkakaroon tayo ng mas magandang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon,” ayon kay Poe.
Naniniwala si Poe na may mga paraang dapat gawin ang mamamayan upang makatulong sa simpleng paraan. Malaki umano ang maitutulong nito upang makamtan ang pangangalaga sa kapaligiran.
Baguhin ang mga gawi: Bawasan ang paggamit ng koryente, tubig, at mga bagay na nakasisira sa kalikasan. Magtulungan sa komunidad: Sumali sa mga proyekto na naglalayong pangalagaan ang kalikasan. Suportahan ang mga batas: Magsalita para sa mga batas na tutulong sa kalikasan. Gumamit ng mga makabagong teknolohiya: Suportahan ang mga teknolohiya na nakatutulong sa kalikasan.
Ang aklat na ‘A Sustainable Future’ ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng mga kilusan ng mga mamamayan at mga inisyatiba ng mga lokal na komunidad, mga ahensiyang tumutulong sa ganitong ideolohiya at gobyerno. (TEDDY BRUL)