HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGSAMPA ng demandang cyber libel ang dating program manager ng TV5 na si Cliff Ginco laban kay Senador Raffy Tulfo, sa staff ng kanyang programa sa radyo, at mga executive ng TV5 kasama rin ang nagreklamong news researcher laban sa kanya.
Halos kasunod iyan ng pag-aakyat ng kaso laban naman kay Ginco na isinampa ng DOJ dahil sa umano’y panghahalay sa lalaking news researcher sa isang hotel sa Pasig.
Medyo magulo iyan dahil noong una, may sinasabi pang matapos ang nangyari, kinausap umano siya ng noon ay head ng TV5 news na si Luchie Cruz Valdez, pero hindi iyon nag-report sa kanilang HR. Dahil doon ang complainant ay humingi ng tulong kay Tulfo, na agad nagsabing magbibitiw sa TV5 at tatawag ng hearing sa senado kaugnay niyon. Mabilis naman kumilos ang HR ng network. Matapos matanggap ni Chairman Manny Pangilinan ang ipinadalang sulat ni Tulfo, pinabilisan ang imbestigasyon at pagkaraan ay na-terminate si Ginco.
Sinasabing ang pangyayari ay siya ring dahilan kung bakkt nag-retiro agad si Luchie bilang head ng TV5 News, dahil na rin sa bintang na pinagtakpan niya dahil tauhan at kaibigan daw si Ginco.
Marami ring lumabas na kuwento sa social media at natural dahil doon ay na-pick up ng regular media ang kuwento. Dahil doon at sa paniwala niyang nasiraan siya ng walang dahilan, kaya nagsampa naman siya ng kasong cyber libel.