NATAGPUAN ang katawan ng isang 18-anyos estudyante na napabalitang nawala sa kasagsagan ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Kristine (international name: Trami) matapos ang tatlong linggong search operations sa lungsod ng Naga, lalawigan ng Camarines Sur.
Ayon sa ulat ng Naga CPS, natagpuan ang katawan ng biktima sa kahabaan ng ilog sa Brgy. Del Rosario dakong 2:45 pm nitong Miyerkoles, 12 Nobyembre.
Nabatid na nawala ang biktima noong 22 Oktubre matapos tangayin ng bahang dulot ng bagyong Kristine.
Ayon kay Naga City Mayor Nelson Legacion, kinilala ang biktima ng kaniyang ama sa pamamagitan ng kaniyang suot na itim na pantalon.
Ani Legacion, gumamit ang kanilang mga rescue team ng mga excavator equipment at K9 units sa isinagawa nilang mga search and retrieval operation.
Nauna nang iniulat ng Office of Civil Defense Bicol na 45 katao ang binawian ng buhay sa Camarines Sur, anim sa Albay, dalawa sa Camarines Norte, lima sa Catanduanes, at isa sa Masbate at Sorsogon na karamihan ay dahil sa pagkalunod.