SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAGKAHALONG saya at lungkot ang naramdaman kapwa nina Winnie Cordero at Amy Perez sa pagbabalik nila sa radyo sa TeleRadyo Serbisyo 630 DWPM (dating DZMM ng ABS-CBN)
Ayon kay Tyang Amy sa ginanap na thanksgiving press conference sa Seda Hotel noong Martes ng hapon, November 12, masaya sila dahil nakabalik na muli ang TeleRadyo sa ere subalit may lungkot din dahil wala na ang mga dati nilang kasama sa DZMM na nawalan ng trabaho simula nang matanggalan ng franchise ang network.
“Masaya na mayroon ding pressure. Nasa balikat naming lahat na nasa DWPM dahil siyempre, alam naman natin na hindi pa tuluyang nakaaahon ang programa, ang estasyon.
“So, alam namin na sundalo kami na sumusunod at ginagawa ang trabaho para sa ikauunlad ng lahat ng nasa DWPM.
“Masaya dahil nakikita pa rin namin ‘yung mga dati naming katrabaho and at the same time, malungkot kasi alam naming nabawasan kami pero nandito pa rin kami, lumalaban. Sabi nga sa Korea, ‘fighting!’” pagbabahagi ni Tyang Amy.
“Iyon ang pakiramdam namin sa araw-araw. Na hindi namin nakalilimutan ‘yung mga taong una naming nakasama sa DZMM na ngayon ay hindi na namin kasama. Marami kaming natutunan sa kanila. And salamat dahil alam namin kung gaano nila minahal ang estasyon, kung gaano sila ka-dedicated. ‘Yun din ‘yung mga inspirasyon na dala namin ngayon as we move forward with DWPM,” dagdag pa ni Tyang Amy.
Inamin naman ni Mareng Winnie na nahirapan siyang mag-adjust at umaasang makababalik ang dating DZMM.
“Bittersweet especially if you think about these people whom you were with in the past. Personally, nahirapan akong mag-adjust jasi, 1997 to 2021, DZMM forever.
“Actually, hanggang ngayon, I’m still hoping that the old DZMM will come back,” wika pa ni Mareng Winnie bagamat alam niyang malabo nang mangyari ito.
“We still remember the past that put smiles on our faces all the time. Pero siyempre, katulad ng usad ng panahon eh thankful kami na kami’y narito pa, kami’y napili kasi hindi lahat napipili.
“Sobrang grateful kami ni Amy doon at maipagpatuloy ‘yung mga nasimulan ng mga kasamahan namin noong araw pa,” sambit pa ni Mareng Winnie.
Dalawa ang show ni Mareng Winnie sa TeleRadyo 630, ito ang public service program na Tatak Serbisyo na umeere simula Lunes hanggang Biyernews, 10:30 a.m. at ang Win Today tuwing Sabado, 10:00 a.m. Si Tyang Amy naman ay isang public service ukol sa mental health, ang Ako ‘To Tyang Amytuwing Lunes, Martes, at Huwebes, 3:00 p.m.. Kasama rin si Tyang Amy sa ABS-CBN’s noontime program, ang It’s Showtime.
At dahil public service ang show ni Mareng Winnie nais niyang ipahatid sa mga sangay ng gobyerno na hinihingan nila ng tulong na sana’y mapabilis ang pagtugon ng mga ito. Ramdam namin ang sakit at bigat sa dibdib kay Mareng Winnie na sa dami ng mga humihingi ng tulong sa kanyang programa, hindi niya agad naihahatid iyon.
Sa kabilang banda, parehong artista sina Amy at Winnie bago pinasok ang radio broadcasting. Inamin nilang ibang fulfillment ang hatid ng radio sa kanila bagamat aminadong mas malaki ang kita sa pagiging artista.
“Wala sa bulsa ang fulfillment, nasa puso,” giit ni mareng Winnie.