SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
“IPAGPAPATULOY namin ang pagiging totoo, tunay at tapat sa lahat ng aming tagapakinig.” Ito ang binigyang diin ni Ronald Padriaga, Network and Digital Marketing Head sa groundbreaking move ng True FM sa kanilang bagong tahanan, ang, 105.9 FM na isinagawa sa Ynares Center in Antipolo, Rizal kamakailan.
Patuloy pa ring mapakikinggan at mapapanood ang mga minahal na programa sa bagong tahanan tulad ng kina Raffy Tulfo, sa Wanted sa Radyo, Cristy Fermin at Rommel Chika sa Cristy FerMinute at iba pa.
Sabi nga ni Ronald, “ANG True FM ay may bagong tahanan sa 105.9 FM na po kami sa radyo at nasa Channel 19 sa Cignal TV. Ang pangako lamang namin sa inyo ay ipagpapatuloy ang pagiging totoo, tunay at tapat sa lahat ng aming tagapakinig.”
“Pinalaki pa ang True FM na dinala sa bagong tahanan. Kaya naman makaaasa tayo na mas exciting, mas malaki na ang playground dahil hindi na siya radyo lamang kundi mayroon na kaming TV, podcast, Youtube channel at marami pang social media platforms na aabangan,” sabi naman ni Laila Tsikadora.
Mas masusubaybayan na ng mga Filipino saan mang sulok ng mundo ang pinakamalalaking pangalan sa Philippine radio sa pinagkakatiwalaang news, public service, at entertainment programs ng True FM sa paglulunsad ng True Network ng True TV at True Digital nito.
Simula ngayon, matutunghayan na ng mga listener ang paborito nilang mga programa tulad ng Wanted sa Radyo, Ted Failon, at DJ Chacha, at Sana Lourd sa True TV sa Channel 19 ng Cignal TV. Para naman sa mga mahilig mag-stream online, mayroong live at on-demand content na available sa True Digital YouTube channel, @TrueNetworkPH.
Patuloy namang maghahatid ang True FM ng dekalidad na radio content nationwide sa 105.9 sa Metro Manila, kabilang ang regional frequencies na 106.7 sa Davao, 101.9 sa Cebu, 101.5 sa Cagayan De Oro, 99.9 sa Ormoc, at 104.7 sa Tacloban.
“The True brand has always been about building trust and connecting with listeners on a personal level, through truth, authenticity, and credibility,” pahayag ni Jane Jimenez-Basas, President at CEO ng Nation Broadcasting Corporation. “True Network reinforces this, aligned with our vision of a unified and meaningful presence for the best personalities in Philippine media.”
Kasama sa pinalawak na lineup ng True Network ang Heart 2 Heart, Cristy Ferminute, Good Morning Bayan kasama si Ruth Cabal, Frontline Pilipinas, Shoutout, Match Made, Dr. Love, at Sagot Kita.