ISINUGOD sa isang ospital sa Bonifacio Global City si Daraga Mayor Carlwyn Baldo mula sa isang government hospital na walang sapat na pasilidad at kagamitan na naunang pinagdalhan sa kanya.
Dinala sa pagamutan ang alkalde nang makaranas ng pagdumi nang lima hanggang anim na beses kada araw, biglaang paglaki ng tiyan at iniindang sakit sa tagiliran, diabetes, at iba pang comorbidity.
Masama ang loob ng pamilya ng alkalde dahil sa pagkaantala ng proseso ng admission sa naturang pagamutan bunsod ng paiba-ibang desisyon ng nurse ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na kasama nito.
Bukod dito sumama rin ang kalooban ng pamilya nang matengga ang pagpasok sa pagamutan ng alkalde dahil mahigit dalawang oras silang nanatili sa drop-off lobby ng pagamutan na lubhang na-expose sa publiko at posibleng nalagay sa alanganin ang seguridad ng alkalde.
Aminado ang security team ng pagamutan na walang sapat na koordinasyon sa kanila kung kaya’t hindi nila agarang napapasok ang alkalde.
Ngunit ipinaliwanag ni BJMP Spokesperson Lt. Col. Jayrex Bustanera, dokumentado ang lahat ng ginawa ng kanilang mga tauhan at naaayon sa proseso.
Ngunit para sa pamilya ng alkalde at legal team nito nais nilang mabigyan ng leksiyon si Nurse D.I. Aben na siyang itinuturo na humaharang sa admission ng alkalde sa ospital matapos malaman na wala roon ang doktor na si Dr. Julius Rustia, na nakalagay sa court order.
Ayon sa abogado ng pamilya Baldo na si Atty. Merito Lovensky Fernandez, nakalagay sa court order na maaaring i-check ang alkalde ng kahit sinong doktor na nasa supervision ni Dr. Rustia, ang personal na doktor ng alkalde.
Imbes deretso admission ay idinaan muna ang alkalde sa emergency nang tumaas ang kanyang temperatura.
Matapos masuri ang alkalde ng mga doktor ay agad na inirekomenda ang admission dahil kailangang sumailalim sa ilang mga proseso at laboratory procedure upang matukoy ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan.
Umaasa ang pamilya ng alkalde na kahit isang person deprived of liberty (PDL) ang kanilang ama ay may karapatang mabigyan ng atensiyon ang kanyang kalusugan.
Ang alkalde ang itinuturong suspek sa nangyaring pamamaslang kay dating Ako Bicol Party list Representative Rodel Batokabe. (NIÑO ACLAN)