INARESTO ng mga awtoridad ang dalawang Korean national matapos ireklamo ng kanilang kababayan ng pagnanakaw, pamumwersa, at pagbabanta nitong Linggo ng madaling araw, 10 Nobyrembre, sa lungsod ng Parañaque.
Kinilala ni Southern Police District Director P/BGen. Bernard Yang ang mga suspek na sina alyas Geon at alyas Park, kapwa 28 anyos, at parehong nadakip ng mga tauhan ng Parañaque CPS- Tambo Substation dakong 4:58 am kamakalawa.
Ani P/BGen. Yang, nagsumbong ang biktimang kinilalang si alyas Changyeon, 35 anyos, na ninakaw ng mga suspek ang kaniyang cellphone at P140,000 cash.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pansamantalang pinatuloy ng biktima ang suspek na si alyas Geon sa kaniyang condominium sa Brgy. Tambo, sa nabanggit na lungsod.
Pinapasok umano ni alyas Geon ang kaniyang kasabwat na si alyas Park sa loob ng kaniyang condominium, binugbog siya, at puwersahang kinuha ang kaniyang wallet na may lamang P40,000 cash, cellphone, at kaniyang casino VIP card.
Dagdag ni alyas Changyeon, tinutukan siya ng mga suspek at pinilit siyang ibigay ang PIN code ng kaniyang VIP card saka nag-withdraw ng P100,000 mula rito.
Nagawang makatakas ng biktima at isinumbong ang insidente sa Parañaque CPS Tambo Sub-station na naging susi sa pagdakip sa mga suspek.
Kasalukuyang nakakulong sina alyas Geon at alyas Park sa Parañaque City Police custodial facility at sinampahan na ng kasong robbery, coercion, at grave threat. (HNT)