SIPAT
ni Mat Vicencio
NOONG nabubuhay pa si Fernando Poe, Jr., kaylan man ay hindi siya nakalimot na tumulong sa mahihirap na kababayan. Sa gitna ng kasikatan, laging nasa puso at isipan ni Da King ang mga kapos-palad at may pangangailangan.
Ngayon, sa panahon ni Brian Poe Llamanzares, anak ni Senator Grace Poe at tinaguriang ‘Apo ng Panday,’ ipagpapatuloy ang naiwang laban ni Da King at sa pagkakataong ito ay sa pamamagitan ng FPJ Panday Bayanihan Partylist.
Gabay ng FPJ Panday Bayanihan Partylist ang mga adhikain ni Da King na higit na pinalawak ni Brian tulad ng ‘bayanihan’ na maituturing na isang magandang katangian ng mga Pinoy para sa pagdadamayan at pagtutulungan.
Ito ang ‘bayanihan’ para sa pagkakaisa at pagkilos ng bawat komunidad na layuning matulungan ang mga nangangailangan lalo ang mga biktima at mga sinalanta ng kalamidad sa bansa.
At pinatunayan ng FPJ Panday Bayanihan Partylist ang kanilang panatang pagtulong sa biktima ng mga kalamidad nang manalasa ang dalawang magkasunod na malalakas na bagyong Kristine at Leon sa maraming lugar sa bansa.
Katuwang ang inang si Grace, hindi nag-aksaya ng panahon si Brian at kaagad na pinakilos ang FPJ Panday Bayanihan Partylist para mamahagi ng relief goods o food packs sa Camarines Norte.
Nasundan ang pagtulong sa ilang lugar sa Camarines Sur, Laguna, at Batangas. At partikular na namahagi rin ng malinis na inuming tubig ang FPJ Panday Bayanihan Partylist sa Libon, Albay at ilang kalapit na lugar.
Patuloy na namahagi ng tulong ang grupo ni Brian sa lalawigan ng Batangas lalo sa bayan ng Calatagan, Lian, Agoncillo, Laurel, at Talisay na matinding sinalanta ng bagyong Kristine.
Batay sa ulat ng NDRRMC, umaabot sa 2.179 milyong pamilya o 8.534 milyong katao ang apektado ng bagyong Kristine at Leon.
Ang bagyong Kristine at Leon ay maraming winasak na ari-arian at sinalantang pananim dahil sa malawakang pagbaha, malakas na pag-ulan, landslides at matinding hangin. Hanggang sa kasalukuyan, maraming pamilya sa Bicol region at karatig probinsiya ang hindi pa rin nakababangon dahil sa sakuna.