SISIMULAN na ang mga serbisyong legal at konsultasyon sa darating na Biyernes, 8 Nobyembre, makaraang makipagkasundo ang FPJ Panday Bayanihan Partylist sa grupo ng mga abogado, na nagbibigay ng libreng legal na tulong sa mga kalipikadong akusado/defendant sa mga nakabinbing kasong kriminal.
Ang Legal Aid Clinic 2024 ay gaganapin sa tanggapan ng Legal Aid Society of the Philippines (LASP) nasa Engracia Reyes St., Ermita, Maynila (malapit sa Robinsons Place, Padre Faura wing, Ermita) tuwing Biyernes, sa mga petsang 8, 15, 22, 29 Nobyembre at sa 6 at 13 Disyembre taong kasalukuyan. Mag-uumpisa ang serbisyo 8:30 am hanggang 11:30 am.
Upang makabilang sa prayoridad, hinihikayat ang mga dudulog na magparehistro online sa
Mababatid na si Brian Poe Lamanzares, unang nominado ng FPJ Panday ay nakipagkasundo sa LASP upang palakasin ang libreng serbisyong legal para sa mga nangangailangan lalo ang mga kapos-palad.
“Hustisya ang ikatlong haligi ng ating organisasyon — FPJ Panday Bayanihan Partylist. Ito ay simula pa lamang, at umaasa tayo na mas maraming grupo ang susuporta sa Legal Aid Society of the Philippines sa kanilang pagsisikap na tulungan ang ating mga kababayan at kababaihang nangangailangan,” ani Brian Poe.
Ang LASP ay isang bagong non-governmental organization ng mga abogado na nagbibigay ng libreng legal na tulong sa mga kalipikadong akusado/mga nasasakdal sa mga nakabinbing kasong kriminal.
Ikinalugod ni Joseph Migriño Executive Director ng LASP ang pagsasama nila ng FPJ Panday Bayanihan partylist na kapareho naming adbokasiya ang hustisya para sa lahat.
“Lagi kaming nahihirapang makahanap ng mga partner na pareho ang adbokasiya sa akses sa hustisya. Kaya nang makausap namin si Brian nang masinsinan ay napagtanto naming hindi pala kami nag-iisa sa hangarin ng makabuluhang pagbabago sa larangan ng hustisya para sa lahat na isa sa susing pagbabago sa ating justice system sa bansa,” ani Migrio.
Binanggit ni Poe, ang pagbibigay ng kagyat na hustisya sa mga kapos-palad na napipiit ay mahalaga upang muling makalahok sila sa empleyo at makapag-ambag sa kaunlaran ng bansa.
“Sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa pagiging patas sa pamamaraan, ang inisyatiba ng pagkamit sa hustisya ay naglalayong pahusayin ang pagkakamit ng mga litigante sa legal na sistema,” patuloy ni Poe.
Ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor ay hakbangin ng FPJ Panday Bayanihan kaakibat sa misyon ni Senator Grace Poe na magkaroon ng hustisya para sa lahat sa pamamagitan ng makabuluhang mga repormang lehislatibong isinusulong nito.