MAPAPANOOD na sa Bilyonaryo News Channel (BNC) ang award-winning documentary series, Dayaw ni Senator Loren Legarda.
Magsisimula sa Sabado, Oktubre 26, iniimbitahan ng Dayaw ang mga manonood na sumama sa paglalakbay sa mga makukulay na tanawin ng Philippine cultural heritage.
Proyekto ito ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na naging posible dahil sa matatag na suporta ni Legarda mula nang ilunsad ito noong 2015.
Bida sa Dayaw ang mga katutubo ng bansa, mga kaugalian, ritwal, tradisyon at mahalagang papel nila sa paghubog ng Filipino cultural fabric.
Sa bawat episode, ginagabayan ni Senator Legarda ang mga manonood sa pamamagitan ng mga kaugalian at gawi na nagbubuklod sa mga katutubong pamayanan, na nagpapakita ng kanilang malalim na paggalang sa kalikasan, kanilang katatagan at mga survival method na patuloy na nagpapayaman sa kanilang buhay.
Mula sa tradisyonal na palakasan at wika hanggang sa masiglang sayaw, ritwal at pagluluto, binibigyang-diin sa Dayaw ang kahalagahan ng paggalang sa mga kasanayang ito para matiyak ang isang pamana ng kultura para sa mga susunod na henerasyon.
Nagmula sa salitang nangangahulugang “ipresenta o isuot nang may pagmamalaki,” ang Dayaw ay angkop na kumakatawan sa misyon nito na itaguyod ang diwa ng Filipino, na nagbibigay-diin sa kagandahan, dignidad at katatagan ng katutubong pamana.
Saksihan ang mga kuwento, hamon, at katatagan ng mga katutubong komunidad at magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa ating pamana sa Dayaw sa Bilyonaryo News Channel, na available sa BEAM TV 31 (maa-access sa pamamagitan ng digital TV boxes sa Metro Manila, Cebu, Davao, Iloilo, Baguio, Zamboanga, at Naga), Converge Channel 74 at sa Cignal Channel 24. (MValdez)