HATAWAN
ni Ed de Leon
DAPAT mabahala ang mga artistang gumagawa ngayon ng mga serye sa telebisyon. Mas pinag-uusapan ngayon sina Cong Romeo Acop at Cong Joseph Stephen Paduano at ang dating aktor na si Dan Fernandez dahil sa hearing ng Quadcom, kaysa kina Coco Martin at Alden Richards. Mas bukambibig ngayon si Congresswoman Gerville Luistro kaysa kina Barbie Forteza o Sanya Lopez.
Eh kasi nga mas naging exciting sa mga tao iyong mga natutuklasan nila sa mga POGO at sa EJK na ngayon lang lumalabas. Hindi lang iyan parang pakikipagbarilan ni Tanggol kundi ang mismong pagpatay sa tunay na buhay kay General Wesley Barayuga na pinag-planuhan pala ng dalawang koronel. True to life iyan eh, hindi teleserye lamang. Tinatalakan nila ang mga resource person na sinungaling at ipinakukulong pa, walang binatbat ang mga talak ni Rhoda.
Kung hindi mo man maabutan ang imbestigasyon ng live sa tv, ang dami namang mga naka-repost sa internet at mapapanood mo rin ng buong-buo. Totoo ang sinasabi nila, mas mataas ang rating ng Quadcom hearings kaysa mga teleserye ngayon.
Kaya tingnan ninyo, kahit na sinasabi nilang mataas ang ratings nila bilyon pa rin ang lugi ng ABS-CBN, kasi nagpipilit silang network sila kahit wala namang prangkisa at ngayon iyong ipinagmamalaki nilang on line replay nila tinatalo ng hearing ng Quadcom.