SIPAT
ni Mat Vicencio
DAHIL sa paulit-ulit na ‘drama at palundag’ hindi malayong tuluyang matalo si Senator Imee Marcos sa darating na midterm elections na nakatakda sa 12 May 2025.
Nakauumay na ang mga pambobola ni Imee. Halos wala nang pumapatol at pumapansin dahil na rin sa hindi kapani-paniwalang mga ‘pasabog’ na ang tanging layunin ay propaganda para higit na maisulong ang kanyang kandidatura.
Tulad ng pagkalas sa senatorial slate ng administrasyon, sa halip na makakuha ng suporta at simpatiya, mas marami ang nagalit at nabuwisit dahil sa sinasabing ‘gimik’ na galawan ng senadora.
At dahil sa ginawa ni Imee, asahang wala siyang tulong na makukuha sa mga maimpluwesiyang politiko at makapangyarihang partido na kabilang sa koalisyon ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Markado na si Imee ng mga ‘bastonero’ sa Palasyo, at kahit sabihin pang kapatid niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., tiyak na meron siyang paglalagyan sa eleksiyong darating.
Hindi ba alam ni Imee na kontrolado at hawak nina Tambaloslos at Liza ang ‘timon’ ng kampanya sa halalan? Marami nang atraso si Imee at ang hindi pagsipot sa convention ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ay sobra na at dapat nang wakasan ang mga ‘paikot’ ng senadora.
Matatawag na walang utang na loob si Imee dahil sa kabila ng walang tigil niyang pagbatikos sa kasalukuyang pamahalaan, nagawa pa rin ni Bongbong na isama ang kanyang pangalan sa senatorial lineup ng administrasyon.
At huwag ipagmamalaki ni Imee na sa pagdedeklara bilang isang independent candidate ay nakatitiyak siya ng todong suporta kay Digong dahil sa simula’t sapol walang tiwala sa kanya ang dating pangulo.
Kaya nga, baka isang araw magulat na lang si Imee at pati ang itinuturing niyang ‘best friend’ na si Vice President Sara Duterte ay hindi na sumuporta at tuluyan na siyang sibakin sa darating na halalan.
Hay naku, parang basang sisiw si Imee. Walang masilungan. Ligwak na sa administrasyon ni Bongbong, tablante pa sa kampo ni Digong!