RATED R
ni Rommel Gonzales
MALAMANG ay marami ang magugulat kapag nalamang ten years ago pa ay nakagawa na ng pelikulang Filipino ang sikat na South Korean actor na si Kim Ji-Soo o Ji Soo.
Ang tinutukoy namin ay ang LGBTQ film na Seoul Mates na ang “kapareha” ng Korean actor ay ang Pinoy transgender actor na si Mimi Juareza.
Kasali ito bilang isa sa entries sa Cinema One Originals noong 2014 na gumanap si Mimi bilang isang transwoman na may karelasyong Koreano na ipinagpalit siya sa isang Koreana at si Ji Soo naman bilang isang gay Korean musician na ang karelasyon ay ikakasal sa iba.
Fast forward to 2024, natagpuan ni Ji Soo ang bagong kabanata ng buhay niya bilang isang aktor at kasalukuyang gumagawa ng pangalan dito sa Pilipinas.
Sa limang buwan niyang pamamalagi sa bansa ay tatlong proyekto na ang nagawa niya—bilang Sparkle artist ay napanood siya sa Black Rider at sa ngayon ay napapanood bilang si Dr. Kim Young na love interest ni Dra. Analyn Santos (Jillian Ward) sa toprating GMA series na Abot Kamay Na Pangarap na magtatapos na sa October 19.
Male lead naman siya sa pelikulang Mujigae kasama ang mga lead actress na sina Alexa Ilacad at child star Ryrie Sophia sa papel ng bidang karakter na si Mujigae.
Sa Mujigae ay gumaganap si Ji Soo bilang si Ji Sung Park kasama sina Alexa bilang si Sunny at ang bidang batang aktres na si Ryrie bilang si Mujigae.
Nasa pelikula rin si Rufa Mae Quinto at sina Richard Quan, Kate Alejandrino, Donna Cariaga, Cai Cortez, Roli Inocencio, Anna Luna, Lui Manansala, at Peewee O’Hara.
Idinirehe ni Randolph Longjas at sa panulat ni Mark Raywin Tome, mula sa produksiyon ng UxS (Unitel x Straightshooters) at ng producer na si Madonna Tarrayo at palabas exclusively sa mga SM cinemas simula October 9.