Saturday , December 21 2024
Pulang Araw

Pulang Araw tagilid, anyare? (produksiyon, kuwento maganda, artista sikat)

HATAWAN
ni Ed de Leon

NAKALULUNGKOT iyong kumakalat na tsismis na “on the red” na raw ang seryeng Pulang Araw. Maganda ang serye at kitang-kita mong pinagkagastusan nang husto ang produksiyon. Talagang nagtangka silang iangat pa ang level ng mga lumalabas na teleserye sa telebisyon. Mapangahas na kilos iyon dahil nangangahulugan ng maliit na kita. 

Kahit na anong dami pa ng commercials nila, hindi mo masasabing kikita sila ng malaki dahil sa laki rin ng gastos sa produksiyon. Iyon lang ginagamit nilang CGI para sa mga tanawing hindi mo na naman makikita kahit saan ngayon napakagastos niyon. Para ka ring nagtatayo ng mga makatotohanang sets para mapaganda mo ang iyong palabas. 

Pero ganoon na talaga ngayon ang labanan, hindi na gaya noong araw na iyang television soap ay itine-tape lamang aa isang studio na ang mga bahay ay puro plywood lamang, tapos kakalasin iyon at gagawin namang ibang bahay. Kaya nga ang sets noon, hindi na ipinapako, ikina-clamp na lang. Tapos nauso na nga ang mga OV van at nakapag-taping na sila sa labas ng studio, mas naging makatotohanan na. 

Ngayon mayroon na silang CGI na ginagamit. Kaya nilang mag-simulate maski na ng mga lumipas ng panahon, pero magastos iyon. Bukod sa mahal ang equipment, mataas din ang bayad sa gumagawa ng images. Kailangan pa ang mahusay na pag-aaral para magmukha iyong makatotohanan.

Sa pelikula nga hindi masyadong magawa iyan dahil sa malaking gastos pero may mga serye na sinimulan ng GMA noon pa mang panahon ng Mulawin na gumamit na niyan. Mataas ang cost of production, pero noon lang pinadapa ng GMA ang kalaban nilang ABS-CBN kaya nga may executives pa pala ng network noon na muntik nang mag-resign dahil wala silang magawa laban sa Mulawin. Ginawa nila ulit iyan sa Encantadia na sumipa rin naman pero hindi nga kasing tindi ng Mulawin

Ang sikreto, nasa artista rin talaga iyan. Napakalakas ng dating noon  ni Richard Gutierrez, kasi nga bata at guwapo, at mapanood lang siya kinikilig na ang fans. Ang ganda rin naman ng kanyang leading lady na si Angel Locsin. Aba sa mga batang babae noon sa mga serye, si Angel ang pinakamaganda. Iyong ganoong kombinasyon ng mga artista ang wala sa Encantadia, bagama’t sumikat din naman ang show, hindi kasing tindi ng dating ng Mulawin.

Palagay namin, diyan din  medyo tumagilid ang Pulang Araw. Maganda ang produksiyon. Maganda rin ang kuwento, sikat ang mga artista pero hindi tama ang kombinasyon.  Mali rin ang promo. Ang malaking star nila si Alden Richards, pero hindi sa kanya naka-focus ang promo kundi roon sa mga gumaganap na sundalong Hapon. Kung sa mga war picture na ginawa nina FPJ noong araw at sa halip na siya ang binigyan ng publisidad ay sina Bruno Punzalan o si Vic Diaz halimbawa, manonood ba ang mga tao? 

Iyong Pulang Araw matatapos naman iyan na matatalo ang mga Hapon, dahil iyon naman ang nangyari sa giyera. Lumaban ang mga hapon kahit tagilid sila, hit and run ang taktika nila. Eh noong bagsakan sila ng dalawang magkasunod na bomba, maging ang emperador nilang ang paniwala ay imortal at anak sila ng araw sumuko agad. Kaya kahit na anong kuwento ang gawin ninyo sa mga ganyang tema, ang mga Hapon ang kontrabida. Pag-aralan ninyo ang metalidad ng fans. Magugustuhan ba nila na si Dennis Trillo ay kontrabida? Natanggap nila kahit na ang role niya ay bakla, pero siya ang bida, pero sundalong Hapon na matatalo in the end, ewan.

Kaya nga kung iisipin, sayang, kasi inilalampaso sila ng Batang Quiapo na kinunan lang sa tabi-tabi sa kalye Evangelista sa Quiapo. Istorya lang ng mga vendor at walang ginawa kundi magbakbakan nang magbakbakan, na ang bida ay si Coco Martin na nagkakagulo na, pa-pogi pa rin ang dating at hindi man lang nagugulo ang buhok. Pinagtatawanan nga siguro iyon ng mga kritiko dahil “hindi makatotohanan.” Pero balikan ninyo ang porma ng nakaraang panahon, si FPJ kahit na isang buong gang na ang kasuntukan, bumabalibag na sina Paquito Diaz at Max Alvarado, pero nagulo ba ang buhok ni FPJ? Puwede siyang tamaan ng suntok at sipa, pero kahit na minsan ba tinamaan siya sa mukha? Hindi puwede iyon magagalit ang fans.

Natatandaan ba ninyo iyong pelikula ni FPJ na Totoy Bato, na sa una ay natalo siya at pinaniwalaang namatay pa? Iyon ang pinaka-mahinang pelikula ni FPJ, kaya nga gumawa sila ng part 2, ang Pagbabalik ni Totoy Bato. Hindi pala siya namatay at nagbalik para gantihan ang kanyang mga kalaban, isang malaking hit iyon.

Sa paggawa ng pelikula o serye, hindi ang iniisip lamang ninyo ay kung maganda ba ang proyekto ninyo o hindi. Noong araw kasi ang una naming iniisip magugustuhan ba ito ng mga manonood? Kikita ba? Sabihin mo mang mananalo ka ng awards sa five continents, ang tanong pa rin ay kumita ka ba? Kung hindi, laos ka na.

About Ed de Leon

Check Also

Joel Cruz P25-M 25th anniversay Aficionado 

Joel Cruz mamimigay ng P25-M sa 25th anniversay ng Aficionado 

MATABILni John Fontanilla MAMAMAHAGI ng P25-M ang tinaguriang Lord Of Scents na si Joel Cruz …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

MMFF50

Sampung pelikula para sa MMFF50, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio ILANG araw bago ang Kapaskuhan, inilabas na ng Movie and …

MMFF 2024 MTRCB

Mga pelikula sa MMFF, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

INILABAS na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang angkop na klasipikasyon …