HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI namin iyon personal na nakita. Ang nakita namin ay isang picture lamang na lumabas sa internet na nagsasabing iyon ay isang 1:00 p.m. screening ng pelikulang Minsan Isang Gamu-gamo na pinagbidahan ni Nora Aunor at inilalabas sa sinehan ngayon kaugnay ng Sine Singkwenta ng MMDApara sa ika-50 taon ng Metro Manila Film Festival.
Ang totoo, nang makita namin iyon ay nakadama kami ng labis na panghihinayang. Naisip namin na kaya nangyari iyon ay dahil kulang nga siguro sa publisidad ang paglalabas ng pelikulang iyon. Baka naman hindi alam ng mga tao na palabas ang pelikula. Isa iyon sa magagandang pelikulang Filipino na talagang klasiko na ang dating. Tungkol iyon sa dalawang tao, isang babaeng nangarap na maging Nurse sa US, makakuha ng green card at mapetisyon later on ang kanyang pamilya para roon na manirahan. Iyong isa naman ay lalaking nangarap na makapagtrabaho sa US Navy para guminhawa rin ang kanilang buhay.
Ang setting kasi ng pelikula ay sa Angeles City sa Pampanga na naroroon din ang Clark Air Force Base noong araw at talagang tinitingala ng mga tao ang mga Kano. Isa rin iyan sa mga mahuhusay na pelikulang ginawa ni Lupita Aquno Concio, kapatid ng dating Senador Ninoy Aquino at asawa ng abogadong si Cesar Concio, bago sila nag-divorce. Matapos ang divorce, pinakasalan naman ni Concio ang aktres na si Charo Santos at si Lupita naman naging asawa ng Japanese news correspondent na si Ken Kashiwahara, isang Asian-American Broadcaster ng ABC, o American Broadcasting Company. Isa siya sa mga journalist na kasama ni Ninoy sa eroplano nang magbalik sa Pilipinas at mapaslang sa Manila International Airport.
Nang magkaroon na ng gulo, wala nang masyadong balita tungkol kay Lupita. Hindi na siya aktibo sa pelikula at maging sa telebisyon. Ang huli naming narinig sa kanya ay noong tinutulan niya ang pag-aalis ng pangalan ng kapatid niyang si Ninoy sa airport para tawagin iyong Pandaigdigang Paliparan ng Pilipinas. Pero iyang Minsan Isang Gamu-gamo na nilagyan pa ng subtitles noong araw at inilabas sa ilang pagkakataon sa abroad sa ilalim ng titulong Once a Moth ay isang klasikong pelikula.
May mga nagsasabing siguro hindi na iyon kasing relevant noong araw na gusto ng karamihang mapalayas ang mga Kano sa mga base militar nila sa Pilipinas. Napaalis naman sila hindi ng mga rally at kung ano-anong protesta kundi ng pagsabog ng Mt Pinatubo. Apektado ang operations ng base sa pagsabog ng bulkan. Kaya iniwan nila ang mga base militar sa Clark at sa Subic.
Mabalik naman tayo sa pelikula, may mga kritiko namang nagsasabi na talaga naman kasing tapos na ang kapanahunan ni Nora bilang isang superstar. Iyon ngang bago niyang pelikula inilabas lamang sa isang micro cinema hindi pa napuno eh, iyan pa bang isang lumang pelikula ang balikan ng mga tao sa isang napakalaking sinehan?
Ang leading man naman niya sa pelikula na si Jay Ilagan ay matagal na ring patay, ibig sabihin wala na rin ang fans. Iyon namang kapatid niyang napatay sa pelikula, si Eddie Villamayor ay namatay na rin kaya wala ng following. Talagang si Nora na lang ang inaasahan sa re-issue ng pelikulang iyan, eh mahina na rin si Nora. Hindi nga ba ilang ulit nang hindi nakasali sa MMFF ang pelikula niya dahil sa sinasabing kakulangan sa commercial viability. Nakapagtataka nga kung bakit isinama pa nila iyan diyan sa Sine Singkwenta eh alam naman nila na hindi na nga commercially viable maski ang mga bago niyang pelikula. Dapat inisip din nila iyon dahil masasabi ngang artista ka sa pelikulang klasiko, pero karangalan mo ba kung wala namang manonood ng pelikula mo oras na ilabas?
Kulang din sa diskarte ang fans ni Nora. Iyong Vilmanians, palibhasa nga ay talagang aktibo pa, basta may ganyan grupo-grupo sila kung manood at napupuno nila ang sinehan kahit na lumang pelikula na ni Vilma Santos ang ipalabas. Eh iyong fans ni Nora sinasabing marami pa sila at fake news lang iyong sinasabing wala nang natitira sa kanila kundi pito pero wala naman silang ginagawa para patunayang marami pa nga sila? May iba pa sigurong fans si Nora, pero baka matatanda na, hindi na aktibo, o hindi talaga naging die hard fans niya para sundan ang lahat ng palabas niya. At saka simula nga noong hindi na siya makakanta sira na ang boses niya, naging dagok iyon sa kanyang popularidad.
Ngayon aminin man nila o hindi, sabihin man nilang National Artist nga siya at best actress sa five continents, hindi maikakaila na ang mga pelikula niya ay hindi na nga commercially viable sa ngayon. Hindi na kumikita kaya wala nang gumagawa ng malaking pelikula niya at ang nakukuha niyang assignment ay puro indie na lang.