HATAWAN
ni Ed de Leon
“KAILANGANG madaliin ang restoration ng mga klasikong pelikulang Filipino habang may nakukuha pang kopya kahit na sa video. Mahirap na kung dumating ang panahon na wala na tayong makuhang kopya gaya ng nangyari sa maraming klasikong pelikula natin noong araw,” sabi ni Vilma Santos.
Isinama na nga ni Ate Vi sa kanyang advocacies iyang restoration ng pelikulang Filipino na nasimulan na noong araw pa. Kaso iyong mga unang ini-restore ay nasira nang pabayaan nila sa archives ng Manila Film Center. Tapos nasara naman ang ABS-CBN na nagre-restoere rin ng pelikulang sinasabi ni Ate Vi. Ngayon daw ay dapat magkaroon ng government-private partnership para sa restoration ng mga pelikula. May mga nakausap na raw siyang ilang kompanyang willing tumulong at may magagamit na institutional budget para riyan. Pero kailangan rin ang tulong ng gobyerno. Hindi man makapagbigay ng pera ang gobyerno, maaari naman siguro magbigay sila ng tax incentives sa mga kompanyang tutulong sa restoration ng mga klasikong pelikulang Filipino.
“Aminin man nila o hindi, hindi lamang musika, sayaw at iba pa ang bahagi ng sining ng Pilipinas. Ang pelikula man ay sining din at kailangan nating pagyamanin. Noong araw tayo ang nangunguna sa buong Asya, ngayon natabunan na tayo ng India at Korea. Nakalulungkot iyan kailangan may gawin na tayo at una na riyan ang restoration ng mga klasikong pelikulang nagawa natin sa nakaraang panahon,” sabi ni Ate Vi.