NAPAKA-PERSONABLE pala ng nanay ni Megan Young, ang kauna-unahang Pinay na Miss World. Hindi siya pa-sosyal, ‘di siya social climber, really just personable. And warm. Very cheerful. Parang si Megan. Ever smiling.
Nakatsika namin siya sa victory party ni Megan bilang Miss World 2013 sa sosyal na Solaire noong Huwebes ng gabi. Mahusay siyang magsalita sa Ingles man o sa Filipino. Tamang Ingles. Edukadong Ingles. With matching American accent.
Pero ‘pag nag-Tagalog naman siya, Pinay na Pinay. ‘Di siya nagpapa-American accent para mabatid ng madla na galing siya sa Amerika. ‘Di siya nagpapa-impress.
“Megan was born in Virginia, USA as my eldest child. She was already 10 years old when I brought her home here,” Mrs. Victoria Young recalled.
Naaalala rin ni Mommy Vicky na hindi naging mahilig maglagro ng manika si Megan. “I bought her Barbie dolls but she hardly played with them. Mas gusto n’yang humawak ng bolpen, o lapis, at papel. Mahilig siyang magsulat at mag-drowing. She was different as a child!”
Pagtulong sa mga batang lansangan
Tatlong reporters kami na katsikahan n’ya, at ‘yung isa sa amin ay tinanong siya kung bakit isa sa mga napili ni Megan na charity project ay pagtulong sa mga batang lansangan.
Sagot n’ya: “Bata pa kasi siya nakakakita na siya ng mga kapwa bata n’ya sa Olongapo na namamalimos sa kalye, madudusing, at mapapayat. Wala kasing ganoon sa Virginia, na kinalakihan niya. Noon pa man siguro ay nailagay na sa isip n’ya na paglaki n’ya at kung may magagawa siya para sa mga batang kinaaawaan n’ya, gagawin n’ya kung ano man ‘yon.”
Umuwi nga pala si Megan noong Sabado sa Olongapo hindi lang para magparada kundi para mamigay ng relief goods sa mga kababayan n’ya roon na naapektuhan ng bagyong Santi.
Personal choice na magtungo sa Olongapo
Sabi nga pala ng Miss World Philippines president na si Cory Quirino tungkol sa pagpunta ni Megan sa Olongapo: “It was her own decision to go there. That’s how much she cares for her kababayan there. Kung kami ni Arnold (Vegafria, manager ni Megan) ang masusunod, huwag na lang sana siyang pumunta roon dahil hanggang Linggo lang siya rito sa Pilipinas. She’ll have to go again to London on Monday. Priority din n’ya siyempre ang mga ipagagawa sa kanya ng Miss World na ang base ay nasa London.”
May mga kompanya sa Pilipinas na gustong kunin si Megan na endorser, at kailangang makipag-meeting sila ni Arnold sa ilang executives para makapag-sign sila ng kontrata eventually. ‘Yung pagpunta ni Megan sa Olongapo means isang araw na ang nawala sa kanya para sana sa business meetings n’ya.
Well, anyway, going back to Mrs. Young, halos kagagaling lang pala niya sa Amerika na rati siyang may dalawang trabaho. (Sori, nakalimutan naming itanong kung ano-ano ang mga iyon.) Nag-resign siya sa mga trabaho n’ya at mananatili na uli sa Pilipinas para samahan dito ang dalawa pa n’yang anak, sina Lauren (na artista ring gaya ni Megan) at Victor dahil halos isang taon ngang papunta-punta ng ibang bansa ang panganay na si Megan bilang Miss World.
Mrs. Young understands what’s going on. “Things are really different now. Megan is no longer just part of our family. We have to share her with the world. In the past, we had to share her with her fans, but now it’s with the world.”
At kahit na may mga panahong mananatili rito sa bansa si Megan, hindi siya makakapiling ng pamilya n’ya. May official residence siya rito sa bansa bilang Miss World, at lagi siyang may kasamang Miss World officials saan man siya pumunta.
Danny Vibas