SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
BAKAS ang panghihinayang kay Senador Ramon “Bong” Revilla Jr nang ihayag nito kahapon sa Dugong Alay, Pagdugtong Buhay, a bloodletting project na isinagawa sa Amoranto Sports Complex lobby na hindi makakasali ang pelikulang Alyas Pogi sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre.
Aniya, bagamat umo-okey na ang kanyang Achilles tendon hindi pa rin ubra ang gumawa siya ng hard action.
“Hard action ‘yung ‘Alyas Pogi.’ Tuloy pa rin naman ang paggawa namin nito kaya lang hindi na talaga aabot this year,” pagbabalita ng senador na ang bloodletting project ay sinuportahan at sinamahan siya ni Quezon City mayor Joy Belmonte.
“Next year na siguro,” sabi pa ng senador.
At dahil ok na si Sen Bong magte-taping na siya ng kanyang series sa GMA ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik na Misis season 3.
“Nakakalakas na ako ng diretso. Nakaka-jogging na rin. Dati nakabaston pa ako lumakad ngayon hindi na.
“Thank God ok na ako at nakakalakad na ng ayos. Salamat sa lahat ng nagdasal sa aking speedy recovery,” wika pa ng senador.
“Napaka-importante ng paa. Pag-iisa lang ang paa mo, my God! Mahirap,” dagdag pa ni Sen Bong.
Samantala, dumanakang dugo sa Amoranto Sports Complex lobby sa bloodletting project ng senador na taunang isinasagawa. At ngayong taon ay bilang paggunita sa ika-58 kaarawan nito.
Nakipagtulungan sa proyekto ang Chinese General Hospital and Medical Center at Lung Center of the Philippines na nangunguna sa pagkuha ng dugo sa mga donor. Kasabay nito, inimbitahan din ang mga donor na regular maghandog ng dugo kagaya ng mga grupong Alpha Phi Omega, Agimat Riders, Armed Forces of the Philippines, Philippine Marines, Philippine Navy, Philippine Air Force, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at Philippine National Police.
Iniingatan ang mga naipong dugo at ipadadala sa mga kapartner na ospital para makatulong sa mga kababayang walang pambili ng dugo sa oras ng pangangailangan.
“Mismong ako ay nagpapakuha ng dugo dahil bukod sa nakapagdudugtong tayo ng buhay ay mabuti pa sa kalusugan ang regular na pagdo-donate ng dugo.
“Hindi na rin mabilang sa daliri ang mga kababayan nating nadugtungan natin ang buhay dahil sa wala na silang mahagilap na dugo kahit may sapat silang pera—dahil dumarating talaga ang pagkakataon na nagkakaubusan ng dugo.
“Kaya malaking bagay ang ginagawa nating bloodletting dahil marami ang natutulungan ng proyektong ito –tuwing sasapit ang aking kaarawan ay bahagi na ito ng aking pagdiriwang tuwing sasapit ang ika-25 ng Setyembre kada taon.
“Noong nakaraang taon ay umabot sa 550 ang nag-donate ng dugo kaya nakaipon tayo ng 266 bag ng dugo na pinakinabangan natin buong taon.
“Inaasahan nating mas marami pa ang maghahandog ng dugo ngayong araw lalo pa at marami na ang nakikipag-ugnayan sa atin bago pa maganap ang isasagawang bloodletting,” ani Sen Bong.
“Napakaganda ng adhikaing ito na ‘Dugong Alay, Pandugtong Buhay’ dahil kitang-kita ang bayanihan at pagtutulungan ng ating mga kababayan para makaipon ng dugo at magamit sa panahon ng pangangailangan.
“Subok na ang proyektong ito na sinimulan noon pang 2017 at hanggang ngayon ay tuloy-tuloy pa rin at ilang ulit na rin nitong napatunayan kung paano tumugon sa mga
nangangailangan ng dugo at itawid ang maraming buhay.
Bago ang bloodletting ay nagsagawa muna si Sen Bong ng pamamahagi ng cash assistance sa Brgy. Batasan Hills sa Quezon City upang alalayan ang mga nangangailangang kababayan.
Namahagi ang senado ng tig-P2,000 bawat isa sa pamamagitan ng Assistance for Individual in Crisis Situation (AICS) ng DSWD at inaasahang umabot sa mahigit 2,000 katao ang mabibiyayaan bago isagawa ang bloodletting sa Amoranto Stadium na ilang minuto lang ang layo sa Batasan Hills.
Ngayong araw, bibisitahin naman ni Sen Bong ang Tacloban City kasama si Mayor Alfred Romualdezpara mamamahagi rin ng financial assistance sa 2,000 benepisyaryo.
Didiretso rin sila sa Maasin City, Southern Leyte at sasalubungin sila nina Governor Damian Mercado, Cong. Roger Mercado, at Mayor Nino Mercado para mamahagi rin ng financial assistance sa mga residente.