SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
ISANG Pastry Chef na pala si Louise delos Reyes ng Viva International Food and Restaurants, Inc.(o Viva Foods) kaya naman kung hindi siya abala sa kanyang acting career ito ang pinagtutuunan niya ng pansin.
Ani Louise sa media conference ng pinakabagong handog na pelikula ng Viva Films, ang Pasahero na pinagbibidahan nila nina Bea Binene, Yumi Garcia, Katya Santos, Mark Anthony Fernandez, Keann Johnson, Rafa Siguion-Reyna, Dani Zee na idinirehe ni Roman Perez, Jr. at mapapanood sa October 9, 2024 sa mga sinehan nationwide na ang pagkahilig sa pagbe-bake ang nakatulong para mapaglabanan ang kanyang depresyon.
Gumradweyt si Louise sa TESDA (Technical Education And Skills Development Authority) noong 2022 and nag-enrol pa sa APCA (Academy of Pastry and Culinary Arts in BGC) para madagdagan pa ang kaalaman sa baking.
“Weekends ako nag-aaral then sobrang nagustuhan ko. Sabi ko, ‘I want more, I want to learn more.’ It’s also nice to learn something outside ng comfort zone ko and sobrang malayo rin siya sa course na kinuha ko nung college. So, continuous learning, never ending learning, pagbabahagi ni Louise na nagka-interes sa baking simula noong pandemic.
Sinabi pa ni Louise na gusto niya ng stability hindi lamang sa sarili kundi sa magiging pamilya kaya naman talagang pinagtuunan niya ng pansin ang baking.
Naging instrumento ang Viva big boss na si Boss Vic del Rosario para makapasok siya sa Viva International Food and Restaurants, Inc. (o Viva Foods) kaya naman ganoon na lamang ang pasasalamat niya.
“I’m very thankful na nagkakaroon ako ng ganitong knowledge outside my comfort zone kumbaga and I’m very willing to learn everything from one of the bests sa industry, sina Boss Vic, Boss VR. It’s a new journey at sana suportahan n’yo rin si Mary Grace at si Louise.”
Samantala, ang Pasahero ay ukol sa mangyayaring krimen sa loob ng tren na may pitong pasahero na pwede sanang tumulong, pero piniling magbulag-bulagan.
Si Michelle (Louise), ay isang probinsiyanang umaasa ng magandang buhay sa Maynila. Pero sa pagsakay niya ng tren isang gabi, makukursunadahan siya ng isang lalaking may suot na maskara. Dadalhin siya sa may dulong parte ng tren habang walang kibo ang ibang pasahero.
Si Angel (Bea), isang graphic and visual artist ay maraming online followers. Maaga siyang naulila at dahil sa trauma ng kanyang kabataan, nangako siya sa sarili na hindi na makikialam sa iba.
Sakay din ng tren si Trina (Katya), at ang kanyang sampung taong gulang na anak na si Belle, (Dani). Hindi tutulong si Trina dahil sa takot sa kaligtasan ng kanyang anak.
Kung mayroong makatutulong kay Michelle, ‘yon sana ay si Tom (Mark), na dating boksingero. Malakas pa rin ang pangangatawan nito dahil nagtuturo sa mga batang gustong maging boksingero, pero sa harap ng kriminal, tila naging bato lang si Tom na hindi makagalaw.
Sa halip na magtulong-tulong ang tatlong magkakaibigang sina Martin (Andre Yllana), Alvin (Keann Johnson), at Drea (Yumi Garcia), pinili nilang ituon ang atensyon sa kani-kanilang gadget. Si Alvin ay isang rich kid na itinuturing ang sarili bilang humanitarian, at si Martin, ay sinasabing may malawak na kaalaman sa lipunan, pero tulad ni Tom ay wala silang tapang.
Mula sa Viva Films at JPHLiX Films, ang Pasahero, produced ng Studio Viva in cooperation with BLVCK Films at Pelikula Indipendent.