SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
DISAPPOINTED si Paolo Contis sa pinal na desisyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na X rating sa pelikulang Dear Santa na dating ang titulo ay Dear Satan.
Ang ibig sabihin ng X rating ay hindi na maipalalabas ang pelikula.
Sa Instagram post ng manager ni Paolo na si Lolit Solis, sinabi nitong nalungkot ang bidang aktor sa desisyon ng MTRCB na X rating na ipinalabas noong Huwebes.
Anang MTRCB nabigyan ng X rating ang pelikula dahil binanggit ang paglalarawan ng pelikula sa “Satan” sa positibong liwanag bilang isang pag-atake sa pangunahing paniniwala ng mga pananampalatayang Katoliko at Kristiyano.
Ani Manay Lolit bagamat malungkot si Paolo, naging positibo pa rin ito dahil hindi akalain ng aktor na makagagawa siya ng pelikulang maganda pero magiging kontrobersiyal.
Anang manager, “talagang maganda ang mood ni Paolo Contis kahit pa nga disappointed siya sa resulta ng naging reception ng MTRCB sa Dear Santa niya na dating Dear Satan.
“Hindi niya akalain na ang feeling niya na nakagawa siya ng isang magandang film ay magiging controversial.
“Akala pa naman niya magiging smooth sailing dahil nga sa concept nito na isang mabait na Satan ang kanyang papel.”
Bagamat ganito ang nangyari sa pelikula, umaasa si Manay Lolit na mabibigyan pa rin si Paolo ng pelikulang talagang magpapakita ng husay nito sa pag-arte.”
“Isang napakahusay na actor ni Paolo Contis kaya sayang nga na hindi nabibigyan ng mga roles sa mga series na ma drama. Very happy sa Bubble Gum si Paolo pero sana rin mabigyan siya ng mga dramatic roles para maipakita niya ang varied talent niya. Sayang naman pero sa isang talent na tulad ni Paolo Contis na very confident sa alam niyang puwede niyang gawin, no problem.”
Sinabi pa ni Manay na nakatitiyak siyang hindi maaapektuhan si Paolo ng nangyari sa Dear Santa at hanga siya rito kung paano dinala nito ang desisyon ng MTRCB sa kanilang pelikula.
“Hindi maapektuhan ang kanyang confidence sa mga minor lapses ng iba. Basta para sa kanya, alam niya what he can offer, no problem. Hanga nga ako sa pagiging very patient and quiet ni Paolo Contis sa mga nagaganap sa kanyang career. lyon bang ok lang bahala kayo. So far basta happy siya.”
Sa kabilang banda, nauna nang binigyan ng X rating ang pelikulang Dear Santa dahil napatunayang lumabag ito sa Presidential Decree No. 1986, Chapter IV, Section F, Subsection (c). Alinsunod sa nasabing probisyon, dapat ipagbawal ng MTRCB ang pagpapakita ng “(mga) ganyang pelikula, mga programa sa telebisyon, at mga kaugnay na materyales sa publisidad o mga patalastas nito, na sa paghatol ng Lupon, malinaw na bumubuo ng isang pag-atake laban sa anumang lahi, paniniwala, o relihiyon.”
Nalaman ng Komite na nagrepaso sa pelikula na ang materyal ay naglalarawan kay Satanas bilang may kakayahang magbago, na nagsasabing ito ay isang pagbaluktot sa mga turo ng Katoliko at Kristiyano. Sinabi ng komite sa pagsusuri na ang salaysay ng pelikula, na nagpapakita ng posibilidad na matubos si Satanas, ay nanlilinlang sa mga mata ng mga manonood.
“Sa MTRCB, we operate under a Committee system, which thoroughly review each movie based on established guidelines in according to our charter,” paglilinaw ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio.
Binigyang-diin ng Lupon na bilang isang regulatory body, kailangan nitong magkaroon ng balanse sa pagtataguyod ng mga kultural at moral na pagpapahalaga ng mga Filipino at ang karapatan sa kalayaan sa pagpapahayag.
“Nawa’y magsilbing paalala ang mga alituntuning ito sa ating mga gumagawa ng pelikula. Bagama’t lubos nating sinusuportahan ang ating industriya ng pelikula at telebisyon, ang MTRCB ay inatasan ng PD 1986 na itaguyod ang paggalang sa mga kultural na halaga ng mga Filipino,” sabi pa ng Lupon.