RATED R
ni Rommel Gonzales
EXCITED si Judy Ann Santos dahil sa wakas ay natuloy na ang pagsasama nila ng direktor na si Chito Roño sa isang horror film.
Dalampung taong hinintay ni Juday ang pagkakataong maidirehe siya ni direk Chito sa isang horror film, naudlot ang tsansa noong 2004 dahil tinanggihan ni tito Alfie Lorenzo, ang namayapang manager ni Judy Ann, ang blockbuster horror flm na Feng Shui na eventually ay napunta kay Kris Aquino.
At fast forward ngayong 2024, may pamagat na Espantaho, sa malayo at historical na lugar ng Mexico, Pampanga ang shoot ng pelikula nina Juday at direk Chito.
At tiyak na bargadulan ang pelikula dahil ang kasama ni Juday sa movie ay ang isa pang napakahusay na aktres, walang iba kundi ang Grand Slam Queen na si Lorna Tolentino.
At hindi lamang iyan, nasa pelikula rin ang equally- talented actresses na sina Janice de Belen at Ms. Chanda Romero, with JC Santos and Nico Antonio.
Hands-on at aligaga at palaging nasa set ng shooting ang lady producer na si Atty Joji Alonso ng Quantum Films na laging may dalang mga kung ano-anong pagkain sa set para sa mga artista ng pelikula.
Napanood na namin ng personal ang ilang mga heavy dramatic scene ng pelikula at wala kang itulak-kabigin sa napakahuhusay sa aktingan nina Juday, LT, Chanda, at Janice.
Siyempre kasi, kahit na nga horror film ang Espantaho, hindi mawawala ang dramatic moments sa pelikula lalo pa nga at ang mga female cast member ay puro multi-awarded actresses.