Wednesday , January 15 2025

Ano pa ang hinihintay ng DOH sa Mpox vaccine?

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

HINDI pa naman daw kailangan ng social distancing para sa seguridad ng mamamayan sa monkey pox (Mpox) dahil malaki ang ipinagkaiba nito sa Covid 19.

Ang covid ay madaling makahawa dahil nga airborne ang virus kaya napakaraming nasawi noon…may mga nakarekober naman habang ang Mpox ay mahahawa lang ang isang indibiduwal kapag mayroon itong direct contact sa carrier – skin to skin contact.

Kapag nagkikiskisan ang inyong balat at ang carrier ng Mpox, tiyak na mahahawa lalo na kung matagal-tagal din ang pagkikiskisan ng kanilang balat.

Kaya sabi ng Department of Health (DOH) hindi ito nakababahala o hindi pa kailangan umorder ng bakuna para sa Mpox. Pero kung hindi tayo nagkakamali ay kumuha na yata ang DOH ng bakuna pero para sa frontliners lang muna…2,000 dosage palang yata ang inorder. Kulang na kulang ang 2,000, para lang muna yata ito sa San Lazaro Hospital kung saan nakaratay ang mga nagpositibo sa Mpox. Para sa proteksiyon ng mga frontliners dito, lalo ang mga humaharap sa Mpox patient.

Huwag mabahala? Hindi pa kailangan umorder ng maraming bakuna? Tama ba ito? Hindi ba nakababahala ang nasabing sakit? Nakababahalaga nga at nakatatakot.

E kailan, irerekomenda ng DOH ang pagbili ng maraming bakuna para sa bansa? Kapag lumala na ang pagkalat ng sakit? Hindi kaya maging huli na ang naturang hakbangin?

Kailan pa irerekomenda ng DOH ang maramihang pagbili, kapag wala nang mabili dahil halos nabili na ng iba’t ibang bansa?

Naalala ko tuloy ang presscon ng DOH noon kaugnay ng Covid 19 – noong kauumpisa pa lang ng covid. Pebrero 2020 yata iyon. Iniyabang ng ahensiya na “zero” ang bansa sa covid. Masayang-masaya pa ang mga opisyal ng DOH na nagpa-presscon noon. Totoo naman na zero ang bansa noon kaya lang ay nakontento ang gobyerno noon.

               Nanawagan sa publiko ang DOH na huwag mabahala at maging maingat lang ang lahat bukod sa sumunod sa protocol. Sa hindi pagkabahala, naging maluwag ang pagpasok ng mga dayuhan sa bansa hanggang may dalawa nang bisita ang nagpositibo sa covid.

Hayun, doon pa lamang naalarma ang DOH at pinadodobleng ingat ang lahat.

Ngayon, heto na naman tayo…huwag mabahala sa Mpox dahil hindi naman ito tulad ng Covid 19. Totoo naman na magkaibang-magkaiba ito sa covid pero ano pa ang hinihintay ng DOH? Ang lomobo ang bilang ng magkaka-Mpox bago irekomenda ang pagbili ng maramihang bakuna?

Sa kasalukuyan ay may deliberation ng budget sa Kamara, hindi ba dapat na samantalahin na ngayon ito ng DOH, ang humingi na ng budget para sa bakuna bago maging huli ang lahat?

Ang Quezon City government ay nakapagtala na ng kanilang unang kaso ng Mpox (monkeypox) makaraang kompirmahin ito ng Department of Health (DOH). Kunsabagay, unang kaso nito sa bansa ngayong taon.

Ang pasyenteng lalaki na residente ng lungsod ay kasalukuyang naka–admit sa San Lazaro Hospital.

Nagsimulang kakitaan ng sintomas sa naturang sakit noong August 16, 2024 at na-admit sa naturang ospital makaraan ang anim na araw.

Oo kauna-unahan ito sa bansa para sa kasalukuyang taon pero saan nga ba nag-umpisa ang maramihan o paglobo ng carrier (huwag naman sana) hindi ba sa maliitan? Hindi ba sa isa?

Bili na ng bakuna habang hindi pa nagkakagulo sa pagbili.

About Almar Danguilan

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 100-araw ni Col. Buslig sa QCPD, krimen patuloy sa pagbaba

AKSYON AGADni Almar Danguilan ENERO 11, 2025, ang unang isandaang araw ni PCol. Melecio M …

Dragon Lady Amor Virata

Pulis na private security ng mga kandidato, ipinasisibak

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MGA kandidato sa 2025 elections na may mga banta …

Aksyon Agad Almar Danguilan

QC-LGU, may paaginaldo pa sa QCitizens

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAPOS na ang Pasko…at heto nga Bagong Taon — 2025 na, …

Firing Line Robert Roque

Renovation na karapat-dapat

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. SUMASAILALIM ngayon ang Rizal Memorial Sports Complex, isang makabuluhang …

YANIG ni Bong Ramos

Another year over, a new one just begun

YANIGni Bong Ramos WAGI at napagtagumpayan nating tapusin at lagpasan ang lumipas na taon 2024 …