Isa sa mahalagang gampanin ng Sangay ng Lingguwistika at Aplikadong Lingguwistika (SLAL) ang pananaliksik sa mga umiiral na wikang katutubo ng Pilipinas. Simula noong 2018, nagbigay ng research grant ang KWF sa halos 25 unibersidad at indibidwal upang maidokumento ang mga wika ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng pagdodokumento, nababatid ang estado ng wika at komunidad na gumagamit nito. Ito rin ang pangunahing pinagkukunan ng datos ng KWF para maisapanahon ang mga impormasyon hinggil sa wika. Bukod pa rito, nagsasagawa rin ang KWF ng pagbabalida at pagmamapa ng mga wikang katutubo ng Pilipinas. Batay sa mga gawain at pananaliksik na ito, narito ang naisapanahong datos hinggil sa mga wikang katutubong ng bansa.
- May itinatayang 135 wikang katutubo ang Pilipinas
- May 107 wika ng mga Katutubong Pamayanang Kultural (Indigenous Cultural Communities)
- May 11 wika ng mga Pilipinong Muslim
- May 5 wika na may higit sa isang (1) milyong sambahayan ang gumagamit (batay sa Philippine Statistics Authority Census of Population and Household, 2020)
Wika | Bilang ng Sambahayan |
Tagalog | 10,522,507 |
Hiligaynon | 1,993,512 |
Ilokano | 1,863,409 |
Sebwano | 1,716,080 |
Bikol | 1,033,457 |
Bagaman, naitala ng PSA na may 4,214,122 na sambahayan na gumagamit ng Bisaya/Binisaya. Sa paunang pananaliksik ng KWF at pagbisita sa ilang komunidad na maraming migrants, ang tinutukoy nilang Bisaya/Binisaya ay kadalasang Sebwano, pinaghalong Sebwano at Hiligaynon, o gumagamit sila ng mga salita mula sa mga wikang pangunahing sinasalita sa isla ng Visayas.
- Top 5 na Pinakaginagamit na Wika sa mga Rehiyon (batay sa Philippine Statistics Authority Census of Population and Household, 2020)
- Sigla ng mga Wika ng Pilipinas (batay sa panukat ng UNESCO Language Vitality and Endangerment)
Grado | Sigla ng Wika | Bilang |
5 | Ligtas | 52 |
4 | Di-Ligtas | 42 |
3 | Tiyak na Nanganganib | 16 |
2 | Matinding Nanganganib | 14 |
1 | Malubhang Nanganganib | 10 |
134 |
Tala: hindi kasama sa bilang ang Filipino Sign Language
- May 40 Nanganganib na Wika (batay sa PSA CPH 2020 at balidasyon ng KWF mula 2014-2024)
Nanganganib na Wika sa Luzon | Nanganganib na Wika sa Visayas | Nanganganib na Wika sa Mindanao |
Arta | Hamtikánon | Kláta |
Alta | Kaluyánën | Manóbo Saranggáni |
Átta | Malaynón | Kinamiging |
Agta Dumagat Casiguran | Magahát | Manobo Aromanën |
Ratagnón Mangyán | Karulano | Umayamnón |
Hatang Kaye | Porohánon | Manóbo Ilyánen |
Malawég | Kabaliánon | Menuvú |
Pánnon | Inatá | Binúkid |
Agta Dumagat Umiray | Inéte | Kabuoan 8 |
Inagta (Bikol) | Binukignon/Binukidnon | |
Gubatnon Mangyan | Kabuoan 10 | |
Inagta (Quezon) | ||
Ayta Ambalá | ||
Kabulowán | ||
Tagabulos | ||
Îguwák | ||
Ténap (Agta Dupaningan) | ||
Ayta Magbukun | ||
Bángon Mangyán | ||
Tadyawan Mangyan | ||
Ayta Mag-antsi | ||
Gaddang | ||
Kabuoan 22 |
Kapag sinasabi nating nanganganib na wika, ito ang mga wikang itinatayang maglaho sa hinaharap bunsod ng mga salik panlipunan, pangkultura, at pampolitikang nakaaapekto sa preserbasyon, paggamit, at pagpapaunlad nito.
Ang panganganib ng wika o language endangerment ang isa mga isyung pangwika na dapat pagtuunan ng pansin.
Mga proyekto ng KWF sa pangangalaga at pagpapasigla ng wika:
- Pagdododokumento ng mga Wika
Nakatuon ang proyektong ito sa komprehensibong pananaliksik sa mga wika ng Pilipinas na isinasagawa sa pamamagitan ng pakikipamuhay at pakikipanayam sa mga katutubong pangkat. Sa ganitong paraan, maidodokumento ang kanilang tradisyon, paniniwala, kultura, at wika. Pangunahing awtput ng proyektong ito ay ang manuskrito na naglalaman ng mga komprehensibong impormasyon tungkol sa wikang sinaliksik. Bukod sa awtput na manuskrito, ang mga malilikom na datos mula sa field ay lalagyan ng metadata at iiimbak sa bubuoing artsibo ng mga wika ng Pilipinas. Sa ngayon, may website ang KWF, ang Repositoryo ng Wika, na naglalaman ng mga saliksik hinggil sa wika. May 39 wika naman ang naidokumento na.
- Pagbuo ng mga Ortograpiya
Isa itong patuluyang proyekto ng KWF na naglalayong makabuo ng ortograpiya sa lahat ng wika ng Pilipinas bílang bahagi ng pagpapaunlad sa mga ito. Ang ortograpiya ay sistema ng pagsulat ng isang wika.
- Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program
Isang paraan upang mapangalagaan at muling mapasigla ang mga wikang nanganganib nang mawala ay ang paglulunsad ng Language Immersion Program katulad ng Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP). Ang mga programang ito ay nakadisenyo para sa mga nanganganib na wika na mayroon pang mga culture bearers na maaaring magturo ng kanilang wika.
Ang Bahay-Wika ay programang pangwika para sa kabataang may edad 2–4 taóng gulang. Isinasagawa dito ang ganap na imersiyon sa wika sa pamamagitan ng inter-aksiyon ng mga bata sa mga tagapagsalita ng katutubong wika, kadalasan ay mga elder. Ang diwa ng programa ay ang mabigyan ng intensive exposure sa iisang wika lámang ang kabataan na hindi lámang sa pamamagitan ng pagtuturo ng wika, kundi sa pamamagitan ng pagbuo ng isang kapaligiran na likas na matutuhan (acquisition) ng bata ang wika. Nagmula ito sa programang Language Nest at itinuturing na isa sa pinakamabisang modelo at paraan sa pagbuhay at pagpapalakas ng wika. Ginamit ito at napatunayang epektibo ng iba’t ibang mga organisasyon at samahang pangwika sa Canada, New Zealand, Alaska, at Hawai’i gaya ng komunidad ng Adam’s Lake sa British Columbia at ang Government of Northwest Territories sa Canada na sumuporta sa 18 language nest program.
Ang MALLP naman ay programang pangwika na nakatuon sa isahang pagtuturo ng wika (one-on-one) ng isang mahusay na tagapagsalita ng wika (master) sa isang mag-aaral ng wika na nasa hustong gulang na (adult apprentice).
Nakapagtayo ng Bahay-Wika at MALLP para sa wikang Ayta Magbukun na ang komunidad ay nasa Brgy. Bangkal, Abucay, Bataan, sa pakikipagtungan sa Pamahalaang Lalawigan ng Bataan at Pamahalaang Bayan ng Abucay noong 2017. Sinimulan ang pagtuturo noong 2018 at nagpapatuloy ang programa sa kasalukuyan.
Ngayong Agosto 2024, sisimulan ang Bahay-Wika at MALLP sa wikang Inata ng mga Ata na ang komunidad ay nasa Sityo Manara, Brgy. Celestino Villacin, Cadiz, Negros Occidental. Sisimulan din ang MALLP sa wikang Alta na ang komunidad ay nasa Brg. Diteki, San Luis, Aurora.
- Ika-2 Pandaigdigang Kumperensiya sa Nanganganib na Wika
Ang ICLE 2024 ay sama-samang itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), Language Study Center ng Philippine Normal University (LSC-PNU), Departamento ng Linggwistiks ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UP-Lingg), at Departamento ng Filipino ng De La Salle University (DLSU-Filipino). Ito ay tatlong araw na in-person na kumperensiya na magsisilbing venue para sa mga eksperto, iskolar ng wika, mananaliksik-wika, at mga miyembro ng katutubong pamayanang kultural upang magbahaginan ng mga pag-aaral at karanasan, at magpalitan ng idea sa pagtugon sa mga isyung may kaugnayan sa panganganib ng wika.
Layunin ng ICLE 2024 na mabigyang-lakas at kakayahan ang mga katutubong mamamayan o indigenous peoples (IP) sa pamamagitan ng kanilang pakikisangkot sa pagbuo ng mga patakaran, programa, at pananaliksik para sa pangangalaga ng kanilang wika. Kinikilala ng ICLE 2024 ang angking kakayahan at kakanyahan ng mga IP sa pangangalaga ng kanilang sariling wika at kultura. Sa International Decade of Indigenous Languages (IDIL) 2022-2032 Global Action Plan (GAP), tinukoy ang mga IP bilang isa mga key targets na pangkat na mahalagang maisangkot sa mga gawaing pangwika. Bilang mga IP, sila ang mangunguna sa pagbabago, sila ang may karapatan at tungkulin na magsalin o magtransmit ng kanilang mga wika sa susunod na henerasyon. Ngunit hindi nila ito magagawang mag-isa kung walang tulong mula sa mga ahensiya ng pamahalaan, institusyon, organisasyon, eksperto, mananaliksik, at iba pang entidad.
Kayâ, sa ICLE 2024, itatampok ang mga pag-aaral na nakatuon sa mga nabuo/binubuong patakarang pangwika, pagdodokumento ng wika, pagpapasigla ng wika, IP education, community-based programs, at ibang pang paksang makatutugon sa pangangalaga ng katutubong wika.