RATED R
ni Rommel Gonzales
NADISKUBRE namin na may ambisyon pala si Ruru Madrid na maging isang producer.
Nagsimula nang matanong namin kay Ruru, na idolo ang actor/director na si Coco Martin, na pagdating ng panahon ay nais niyang magdirehe ng kanyang susunod na action serye pagkatapos ng Black Rider.
Oo raw, pero aniya, “Siguro sa ngayon, kasi siyempre nandiyan pa ang aking, paano ba, ang aking tatay direk Rommel Penesa, iyan ang talagang nagga-guide sa akin at sa journey namin na magkasama eversince ‘Lolong.’ Noon pa, lagi ko siyang pinapanood kung paano siyang magtrabaho. Paano niyang ginagawa ‘yung mga eksena.”
Si Rommel Penesa ang direktor ng Black Rider at ng Lolong na parehong pinagbidahan ni Ruru.
Pagpapatuloy ni Ruru, “So somehow natututo ako.”
At dito na inihayag ni Ruru ang isa pang pangarap niya.
“And eventually parang, siyempre bukod sa pagdidirehe is gusto kong mag-produce ng sarili kong mga proyektong gagawin.
“At ako na rin po ang magdidirehe.
“But you know ayoko pa pong isipin iyan sa ngayon because I just want to focus on everything na ipinagkakatiwala sa akin ng network at kung ano po ‘yung maiaambag ko roon sa mga proyektong iyon.”