HOTTEST Musical Pair ang taguri ngayon kina KD Estrada at Alexa Ilacad o mas kilala sa kanilang tambalang KDLex. Mula kasi sa pagpasok sa bahay ni Kuya sa Pinoy Big Brother hanggang sa kanilang kauna-unahang face-to-face sold out concert sa Music Museum, pinatunayan ng KDLex, ang kanilang kakayahan sa stage gamit ang kanilang talent.
Hindi maitatanggi ang kanilang nakakikilig na pagtatanghal na nagpasaya sa kanilang fans, sweethearts. Nag-perform sila sa Music Museum—may solo at duet performances na naipakita ni KD ang husay sa paggigitara at ang magaling na pagkanta naman ni Alexa.
“The adrenaline rush that it gives, malaking boost ‘yun sa performance namin. Nakaka-hype talaga if you see them. It’s priceless when you get to see their reactions.” Pagbabahagi ni Alexa nang makita ang kaibahan ng concert na iyon kompara sa kanilang mga unang performances online noong 2022.
Tampok din sa kanilang concert ang mga guest singers na nag-perform kasama ang KDLex. Naghatid si KD ng isang hindi malilimutang duet kasama si Bugoy Drilon. Samantalang si Alexa naman ay nag-perform kasama ang nag-iisa niyang We Love OPM mentor na si Yeng Constantino. “Si Kuya Bugoy was an inspiration since I was 16 when I started singing. Nakikita ko ‘yung BuDaKhel, and doon ako natuto mag-harmonize, mag-runs. In a way, I kind of adapted their singing style which is more of R&B and Pop. It’s a childhood dream of mine to work with one of them.” pahayag ni KD tungkol sa kanyang mga collaboration.
Ipinakita rin nina KD at Alexa ang kanilang pagiging versatile sa pamamagitan ng pagkanta, pagtatanghal, at pag-arte, o paggawa ng lahat ng ito nang sabay-sabay sa entertainment industry. Gumanap din sila sa kanilang unang teatro bilang sina Julia at Tenyong sa Walang Aray sa ilalim ng PETA, isang modernong adaptation ng Walang Sugat na na-nominate din si Alexa bilang female lead sa Gawad Buhay Awards.
Nabanggit ng dalawa na ang kanilang karanasan sa teatro ay nakatulong sa kanilang growth bilang mga artista. “It helped me open up my voice. I had to learn how to sing from the chest and project my voice, so that the audience would hear me,” ani KD.
Sa tagumpay naman ng kanilang concert na Add to Heart: KDLex in Concert at ng kanilang mga tagumpay sa mga proyekto sa pag-arte, ipinakikita ng duo na wala silang rason para huminto ngayon, dahil nagsisimula pa lamang ang lahat at mas umaasa pa sila sa mas maraming proyekto, indibidwal man o bilang loveteam.
Ukol naman sa mga darating pang proyekto, ipinahayag ni KD ang kawalang-katiyakan sa posibilidad ng pag-release ng music sa loob ng 2024, ngunit nangangako siyang ipagpapatuloy ang pagkanta. “I’ll continue working on my music. Kahit anong mangyari sa career ko, it is something I will always go back to.”
Ang music video naman ni Alexa ng hindi pa nailalabas na awiting, Kung Naging Tayo ay kasalukuyang ginagawa. Naibahagi rin niya na mas aktibo siya sa proseso ng pagbuo ng music video nito. “Narealize ko that I am a good creative until I realized sobra akong mag-conceptualize. For the music video, I told them that I want it to be devastating. I want people to relate and cry. I really have a vision,” sabi ni Alexa. (MValdez)