Monday , November 25 2024

NEDA deadma sa DA (Loren nababahala)

100913_FRONT
INIHAYAG kahapon ni Sen. Loren Legarda ang “lubhang pagkakabahala” sa kabiguan ng Department of Agriculture (DA) na agarang tugunan ang tumataas na presyo ng bigas sa gitna ng mga babalang iniulat ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nagpapakitang kukulangin ang produksyon ng palay ngayon taon at hindi matutugunan ang pangangailangan ng bansa.

Iginiit din ng mambabatas ang rekomendasyon ng NEDA “bago pa man dumating tayo sa kalagayang hindi na makayanang bilhin ng karaniwang mamamayan ang bigas dahil sa lubusang pagtaas ng presyo.”

“Maliwanag na ipinakikita ng dokumentong ito kung bakit hindi bumababa ang presyo ng bigas, kahit pa lampas na tayo ngayon sa tinatawag nilang ‘lean season.’ Noong mga nagdaang taon, Hulyo hanggang Agosto umaangat ang presyo ng bigas at pagdating ng Setyembre ay bumabalik ito sa dating presyo,” ayon kay Legarda.

“Okltubre na tayo ngayon. At labis akong nababahala dahil hindi tumitigil ang pagtaas ng presyo nito. Imbes bumalik sa normal na presyo, nasa pinakamataas na ito ngayon. Ang dokumentong ito mula sa NEDA ay nagkokompirma sa atas ng law of supply and demand na nagsasabing: kung kaunti ang imbentaryo, natural lamang na tumaas ang presyo,” paliwanag ng mambabatas.

Ang forcast na nakasaad sa Memorandum for the President ni NEDA Director General Arsenio Balisacan, na nabigyan din ng kopya si DA Sec. Proceso Alcala, ay kinapapalooban ng produksyon ng palay mula Hulyo hanggang Setyembre na nasa 7.4 million MT lamang. Ang volume na ito ay kulang na kulang upang tugunan ang pangangailangan ng bansa na umaabot sa 9.1 million MT. Ibig sabihin, nasa 1.7 million MT ang kakulangan kung walang hawak na imbentaryo ang gobyerno at ang NFA. Ang bulto ng kakulangang ani, ayon sa dokumento, ay maaari pang lumobo nang husto sa 2.6 million MT kung ang imbentaryo para sa tatlumpong araw lamang ang isasaalang-alang.

Ang nasabing memorandum, ayon sa senadora, ay nagrerekomenda ng importasyon ng karagdagang 500,000 MT ng bigas upang “patatagin ang presyo at, kung maaari, ay pababain pa ito.” Ngunit ang mga pahayag kamakailan lamang ng National Food Authority (NFA) na hindi na aangkat pa ng bigas ngayong taon ang bansa, ayon kay Legarda, ay “lalo lamang humihingi ng paliwanag.”

“Kung ang DA at ang NFA ay walang planong aksyonan ang rekomendasyon ng NEDA, ‘e ano ang plano nitong gawin upang pababain ang presyo ng bigas sa mga pamilihan? Maniniwala na sana ako na sa DA at sa NFA nang sinabi nilang sapat ang suplay ng bigas ngunit paano nila ipaliliwanag ang mga datos at resulta ng mga pag-aaral? Ano ang alternatibo nilang paraan upang masegurong sapat ang suplay ng bigas para sa mga mamimili ngayon taon,” tanong ni Legarda.

Ayon sa datos na naiulat ng DA Bureau of Agricultural Statistics, ang karaniwang presyong tingi ng bigas kada kilo noong nakaraang buwan lamang, Setyembre, ay nasa 36 pesos na kada kilo. Ito na ang pinakamataas ngayon taon at apat na pisong mas mataas kaysa presyo bago dumating ang “lean season.” Ang presyong nabanggit ay mas mataas din sa presyo nito sa katulad na panahon noong 2012 na P3.60 kada kilo. Kung well-milled namang bigas ang pag-uusapan, ang karaniwang presyo nito ay umabot sa 39.2 pesos per kilo. Ito ay mas mataas ng apat na piso bago ang lean season at higit na mataas ng 3.70 pesos per kilo noong Setyembre 2012.

PANAHON NANG MAKIALAM ANG ECONOMIC TEAM

Sinabi ni Legarda, ang alanganing mga desisyon ng DA na aksyonan ang NEDA memo ay maaaring nagpapakita lamang ng dagling pangangailangan upang agarang makialam ang Economic Team ng gabinete upang “bigyan ng giya ang DA sa paghahanap ng solusyon sa problemang apektado tayong lahat.”

“Ito ang eksaktong dahilan kung bakit nasa NFA Council ang mga kinatawan ng Department of Finance at ng Department of Trade and Industry. Ang mga Secretary ng mga departamentong ito ay mas may alam kung paano isaalang-alang ang mga datos na gaya nito. Mas nasa posisyon sila upang tingnan ang halaga sa pagbabalangkas ng mga umiiral na alituntunin at patakaran sa bigas,” giit ni Legarda.

Legarda: Nakakabahala ang pagbingi-bingihan ng DA sa babala ng NEDA.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

Miss Universe Philippines 2024 Chelsea Anne Manalo, hinirang bilang Natatanging Kabataang Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOS – Iginawad ang prestihiyosong Natatanging Gintong Kabataang Bulakenyo award kay Chelsea Anne …

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

PINANGUNAHAN ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ang distribution ng ayuda sa daan-daang …

Benhur Abalos Jr Senate

Benhur Abalos, top 9 ng Tangere Survey para  sa 2025 senatorial race

KUNG gagawin ngayonang eleksiyon, pasok sa ika-9 na puwesto si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *