WALA pang opisyal na pahayag ngunit base sa inisyal na impormasyon mula sa ilang kompanya ng airlines, unti-unti nilang ibinabalik sa normal na kaayusan ang schedule ng bawat flights pagkatapos mabinbin ang tinatatayang 47 flights dahil sa nagkaproblemang software ng Air Traffic Management Center ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Nagbigay ng updates ang Manila international Airport Authority (MIAA) kaugnay ng mga naapektohang domestic at international flights.
Sa initial report ng MIAA, umabot sa 14 international departure flights ang apektado, pito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 at pito rin sa terminal 1.
Apat sa arrival flights ang apektado, isa sa NAIA terminal 1 at tatlo sa terminal 3.
Bukod diyan ang 24 domestic flights mula sa NAIA terminal 2, 3 at 4.
Apektado rin ang limang domestic arrival flights sa NAIA terminal 2.
Magugunitang noong Enero 2023 daan-daang flights ang nakansela, inilipat ng ruta at nabinbin, at libo-libong pasahero ang na-stranded dahil sa system glitch na isinisi ng CAAP sa power supply. (NIÑO ACLAN)