PAREHONG dinagsa ng publiko ang dalawang araw na selebrasyon ng ABS-CBN na The Grand Kapamilya Weekend para sa kanilang ika-60 taong anibersaryo.
Matagumpay ang mga programang inihanda ng Kapamilya Network lalo na ang One Run, One Philippines: Isang Bayan para sa Kalikasan dahil pawang mga sikat na celebrities ng ABS-CBN nakiisa kasama ang mahigit sa 88,190 katao sa ang eco-run na sabayang ginanap sa Quezon City, Bacolod, Cebu, Davao, at Los Angeles (US) noong Linggo (Oktubre 6).
Tumakbo sina Anne Curtis, Kim Chiu, at Xian Lim sa Quezon City leg nito o ang 10.06-13 Run for the Pasig River, kasama ang alkalde ng Quezon City na si Mayor Herbert Bautista at mga mamamahayag na sina Noli de Castro at Korina Sanchez.
Nag-host din sina Kim at Xian sa post-race program upang magbigay-saya sa mga tumakbo kasama ang 6 Cyclemind, Itchyworms, at Rivermaya gayundin sina Mitoy Yonting, Klarisse de Guzman, at Myk Perez ng The Voice of the Philippines na nagsagawa ng mini concert sa Quezon Memorial Circle.
Hindi rin nagpahuli sina Joem Bascon at Paul Jake Castillo sa Bacolod leg; si Jayson Abalos sa Cebu leg; at sina Maja Salvador at Aaron Villaflor sa Davao leg.
Si Jake Cuenca naman ang kumatawan sa Los Angeles leg na may daan-daang mananakbo na ginanap sa Burbank, California. Nagpakita rin ng suporta ang alkalde ng Burbank na si Emily Luddy na nakiisa rin sa event.
Muling ikinampanya ng Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig ng ABS-CBN Foundation ang mas malinis na Ilog Pasig at mga estero nito sa 10.06.13 Run for the Pasig River na dinagsa ng 79,000 kalahok. Sa Bacolod leg naman ay nakilahok ang 2,960 katao para suportahan ang mangrove at livelihood projects sa Punta Taytay, Sum-ag River rehabilitation, at ecotourism projects sa Bacolod City Water District Campuestuhan Watershed. May 3,500 mananakbo naman ang Cebu leg na tutulong sa coastal conservation ng Daan Paz, habang tinatayang 3,000 naman ang tumakbo sa Davao para pondohan ang ecotourism projects ng Marilog Tourist Center. Gagamitin naman sa Green Initiative ng Bantay Kalikasan ang pondong nakalap sa Los Angeles leg.
Layunin ng One Run, One Philippines: Isang Bayan para sa Kalikasan na protektahan ang kalikasan sa pamamagitan ng pagsulong sa iba’t ibang makubuluhang proyekto. Parte rin ito ng engrandeng two-day event ng ABS-CBN na Kwento ng Kasiyahan: The Grand Kapamilya Weekend na ipinagdiwang ang ika-60 anibersaryo ng Philippine television.
Maricris Valdez Nicasio