SA nakaraang solo presscon ni Coco Martin para sa nalalapit na pagtatapos ng Juan de la Cruzay inamin ng aktor na malaki ang nabago sa buhay niya.
Say ng aktor, “dahill sa ‘Juan dela Cruz’ hindi lamang ako nakapagpapasaya ng kapwa dahil sa pagiging aktor ko kundi kakaibang saya ang naidudulot sa akin kapag naituturing akong inspirasyon ng ibang tao, lalo na ng mga kabataan.
“Nagpapasalamat ako sa pagkakataong naibigay sa akin ng show na personal na makadaupang-palad ang viewers namin at makapagbahagi na rin ng tulong sa kanila sa abot ng aking makakaya.”
Oo nga naman, dahil sa Juan de la Cruz ay nagkarooon ng Juan Fun Day na naging dahilan kaya maraming mga estudyante sa pampublikong paaralan ang nabibiyayaan ng mga gamit pang-eskuwelahan.
At sa katunayan ay may inaayos ang aktor sa mga pribadong sector na makapagpatayo siya ng dagdag silid paaralan para sa mga eskuwelahang nasa remote areas na hindi na inaabot ng tulong ng gobyerno.
Kami rin ay nagtataka kung bakit itong mga kumandidatong politika na panay ang pangako na tutulungan ang kanilang bayan, pero hanggang ngayon ay marami pa ring mga pampublikong eskuwelahan ang hindi inaayos, isabay mo pa ang mga sira-sirang daan.
Samantala, pagkatapos ng Q and A question ay tinanong si Coco tungkol sa umano’y anak niya sa aktres na si Katherine Luna?
Kamakailan ay klinaro na ng manager niyang si Biboy Arboleda na hindi si Coco ang tunay na ama ng bagets base na rin sa resulta ng DNA.
Sumeryoso ang aktor at sinabi niyang hangga’t maaari ay ayaw na niyang magkuwento pa tungkol sa isyung ito.
“Bilang lalaki, may gusto akong protektahan, lalong-lalo na ‘yung bata. Siguro, hindi ko na sasagutin ‘yan kung ano man ‘yan.
“Sa akin naman, ‘yung consciousness ko, nandiyan pa rin, pero ako na ang bahalang mag-handle ng bagay na ‘yan,” katwiran ng aktor.
Sa madaling salita ay malaking tinik sa lalamunan niya ang nawala ngayon dahil nalaman na niya ang buong katotohanan?
“Honestly, hindi siya tinik, eh. Hindi ko siya trinatong tinik sa buhay ko, trinato ko siya bilang blessing kasi isa ‘yun sa nagpatibay sa akin kung nasaan man ako ngayon.
“Siyempre, napakalalim ng pinagdaanan ko roon, maraming masakit na salita ang inabot ko roon o narinig ko, pero sabi ko, ‘yun talaga ang isa sa nagpatibay sa akin,” magandang sagot ni Juande la Cruz.
Marami pang gustong itanong ang entertainment press kay Coco tungkol sa sinasabing anak niya pero kaagad ng sumenyas ang handler ng aktor na hanggang doon na lang ang puwedeng sagutin ng binata.
Samantala, sa siyam na buwang pamamayagpag sa ere ng Juan de la Cruz ay inamin ni Coco na malungkot siya sa pagtatapos ng serye dahil naalala niya ang mga hirap na dinaanan niya bago niya narating ang kinalalagyan niya ngayon.
“Kung nasaan man ako ngayon, ito po ‘yung mga produkto ng mga pangarap ko noon.
“Kung ano-anong raket ang ginagawa ko noon hanggang sa napunta ako ng Canada, dahil naghahanap ako ng oportunidad. Kasi po, sabi ko noon, kahit anong trabaho, kumbaga basta bigyan n’yo ako ng regular na trabaho. Kahit hindi ako matulog, gagawin ko ‘yan.
“Kaya nang dininig po ng Diyos, binigyan Niya ako ng trabaho, ‘o gusto mo, wag kang matulog”, talagang hindi niya ako pinatulog. Kaya sabi ko po sa sarili ko talaga, bakit ako aangal, bakit ako tatanggi sa trabaho?
“Kasi, rati po talaga, kung alam n’yo lang ang experience na pinagdaanan ko.
“Namimigay ako ng fliers sa mall, namimigay ako ng mga sa gasoline startion, nagkakabit ako ng posters/taurpaline sa mga bar. Naranasan ko po ‘yan noong araw,” naluluhang kuwento ng aktor.
Inamin din niya na ang kahirapan ang nagbunsod kaya naghiwalay ang magulang na hindi niya kinayang tingnan at naging dahilan ito para magpursige sa kanyang pangarap.
“Pinangarap ko na sana, balang araw, maging kagaya ako ng lola ko na tinaguyod niya ang pamilya niya kahit hindi siya nakatapos ng elementary.
“Tinulungan niya ‘yung mga pamangkin niya, pinag-aral niya, kinupkop niya. ‘Yun po ang naging pamantayan ko na balang-araw, magiging ganyan din ako at balang araw, ako na ang papalit sa lola ko para sa pamilya ko,” tuloy-tuloy na kuwento ni Coco.
Naibahagi rin ni Coco na noong wala pa siyang pangalan at nag-uumpisa palang siyang gumawa ng indi films ay nakabili na siya ng tatlong trycicle dahil maski raw wala siyang regular na trabaho ay may pagkukunan sila ng pagkain sa araw-araw.
“Three hundred (P300) po isang araw ang kita (24 oras),” say ng aktor.
At pagkatapos ng tatlong traysikel ay nakabili naman siya ng pampasaherong dyip na ang tatay niya ngayon ang namamasada.
Dahil na rin sa pagsisikap at nag-hit ang Juan de la Cruz, kaliwa’t kanang product endorsements, pelikula at out of town/country shows ay nakapag-ipon nang husto ang aktor kaya naman halos umabot yata sa isang ektarya ang nabili niyang lupa sa may Fairview para patayuan ito ng malaking bahay na siyang nagmamay-ari at may mga bahay sa paligid para sa tatay, nanay, at mga kapatid niya.
Hindi pa totally tapos ang compound na ipinagagawa ni Coco dahil hindi pa raw tapos ang landscaping nito, “malapit-lapit na rin po, mga 90% na. Ano po ‘yun, matagal din kasi ipon-ipon muna bago gawin,” say ng aktor.
At sa pagtatapos ng Juan de la Cruz ay gustong magpahinga ni Coco sa soap drama dahil gusto niyang gumawa ng indi films na una siyang napansin.
Pero bago siya muling humarap sa camera ay isang linggo siyang bakasyon para bumawi ng tulog at makasama ang buong pamilya.
“Kasi gusto ko pong habang bakasyon, habang wala pang bagong soap na ginagawa, gusto ko po sanang gumawa ng isang mainstream movie at isang indi,” aniya.
Reggee Bonoan