SWAK sa kulungan ang apat katao matapos mahuli sa akto ng mga pulis na sumisinghot ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa ulat ni P/MSgt. Ana Liza Antonio kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt Suniega at inireport sa kanila ang hinggil sa nagagnap na illegal drug activities sa S. Feliciano St., Brgy. Ugong.
Kaagad pinuntahan ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/SSgt. Alvin Olpindo ang nasabing lugar na naaktohan sina alyas Rommel, 53 anyos, ng Brgy. Mapulang Lupa at alyas Reymond, 34 anyos, ng Caloocan City na sumisinghot ng shabu dakong 11:25 am.
Nakompiska sa mga suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalia.
Nauna rito, dakong 5:30 am nang maaktohan ng mga tauhan ng Police Sub-Station 2 sa pangunguna ni P/Capt. Selwyn Villanueva na sumisinghot din ng shabu sa isang abandonadong bahay sa Santiago St., Santiago Kanan, Fortune 1, Brgy. Gen T. De Leon sina alyas Jun, 41 anyos at alyas Arnel, 37 anyos.
Ani P/MSgt. Carlito Nerit, Jr., nakuha sa mga suspek ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalia habang ang isang improvised gun (pengun) na may isang bala ng cal. 38 ay nasamsam kay ‘Jun’.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang kakaharapin ni Jun. (ROMMEL SALES)