KALABOSO ang dalawang lalaking hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos madakip sa magkahiwalay na buybust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa ulat ni P/MSgt. Carlos Erasquin, Jr., kay Valenzuela City police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna nina P/Capt. Ronald Sanchez ang buybust operation laban sa isang alyas Bembol, 41 anyos, taga-Brgy. Malanday matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa kanyang illegal drug activities.
Nang tanggapin ng suspek ang isang P500 bill na may kasamang tatlong P3,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba, dakong 7:20 am kahapon, Huwebes, sa San Andres 1 St., Brgy. Malanday.
Nakuha kay Bembol ang nasa tatlong gramong hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400; 45 gramong hinihinalang marijuana na nasa P5,400 ang halaga, buybust money, P150 recovered money at cellphone.
Nauna rito, dakong 11:20 pm nang matimbog naman ng kabilang team ng SDEU si alyas Makmak matapos bentahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang poseur-buyer sa buybust operation sa Punturin Bignay Bypass Road, Brgy. Punturin.
Nakompiska sa suspek ang aabot sa limang gramong hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P34,000, buybust money na isang P500 bill, kasama ang 8-pirasong boodle money at P200 recovered money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)