NASABAT ng pulisya sa tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang tinatayang P200,000 halaga ng shabu nang matiklo sa magkahiwalay na buybust operation sa Caloocan City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buybust operation laban kay alyas Biwa nang matanggap ang impormasyon hinggil sa illegal drug activities sa kanilang lugar sa Brgy. 19.
Dakong 12: 47 am agad ikinasa ang buybust at nang tanggapin ni Biwa ang marked money na may kasamang boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba sa Doña Rita St., Brgy., 19.
Nakompiska sa suspek ang 13.60 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price value na P92,480 at buybust money.
Nauna rito, dakong 12:40 am nang matimbog ng kabilang team ng SDEU sina alyas JR at Jay-Jay, sa buybust operation sa kanilang lugar sa BMBA Compound, 3rd Avenue, Brgy. 120.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)