RATED R
ni Rommel Gonzales
BAGONG taon, bagong pasabog sa hapon.
Simula January 8, mapapanood na sa GMA Afternoon Prime ang revenge series na Makiling tampok sina Sultry Leading Lady Elle Villanueva at Sparkle Debonnaire Derrick Monasterio.
Ang Makiling ay kuwento ni Amira (Elle), na magiging sentro ng pang-aapi subalit babangon upang maghatid ng sukdulang paghihiganti.
Lubos ang pasasalamat ni Elle sa bagong proyekto niyang ito sa Kapuso Network.
“I am grateful to GMA Network na binibigyan nila ako ng project at hindi lang siya basta-basta project, napakaganda ng istorya na ito. At lalong lalo na revenge drama siya. Nung marinig ko pa lang ang title na Makiling, very interesting na siya para sa akin. Gusto kong bigyan ng justice ang karakter ni Amira. Challenging siya for me,” paglalahad ni Elle na naging bahagi kamakailan ng live-action television adaptation ng “Voltes V: Legacy.”
Ang Makiling ay nagsisilbi ring reunion project nina Elle at Derrick pagkatapos ng kanilang unang team-up sa Return to Paradise. Ginagampanan ni Derrick ang role ni Alex sa Makiling, ang nobyo ni Amira na gagawin ang lahat para protektahan ang mahal niya sa buhay.
“Ibang-iba ito sa character ko dati. Mas iba na ang atake since mas nag-mature na ako. Mas iba na ang tingin ko sa mundo kaya mas mabibigyan ng depth ‘yung karakter ko as Alex who is a protector na maraming layers [sa pagkatao],” pagbabahagi ni Derrick.
Tampok sa Makiling ang powerhouse cast na kinabibilangan ng mga promising actors ng henerasyong ito: si Thea Tolentino, na gaganap bilang ate ni Amira, ang black sheep na si Rose; habang sina Kristoffer Martin, Myrtle Sarrosa, Royce Cabrera, Teejay Marquez, at Claire Castro naman ang bumubuo sa Crazy 5.
Bibigyang-kulay pa lalo ang buhay ni Amira ng natatanging pagganap ng mga beteranong character actors na sina Mon Confiado, Bernadette Allyson-Estrada, Richard Quan, Cris Villanueva, Lui Manansala, Andrea Del Rosario, at Ms. Lotlot de Leon.
Pamilya ng mga manggagamot si Amira (Elle) na nakatira sa paanan ng bundok ng Makiling. Sa kagustuhang makatulong sa pamilya, magtatrabaho si Amira sa isang eskuwelahan sa Maynila. Rito niya makakatagpo ang limang school bullies na tinatawag na Crazy 5. Sila ay mga anak ng mayayaman at makapangyarihang pamilya, kabilang ang magkapatid na Portia at Seb (Myrtle at Kristoffer), mga anak ng may-ari ng isang higanteng pharmaceutical company, ang Nexcelsium.
Magbabago ang buhay ni Amira nang matuklasan nila ni Alex (Derrick) ang isang misteryosong bulaklak sa kagubatan ng Makiling. Tinatawag na ‘Mutya,’ ang bulaklak ay sinasabing lunas sa iba’t ibang sakit. Nais ni Amira na gumawa ng mga libreng gamot mula rito para makatulong sa mahihirap. Pero gusto itong angkinin at pagkakitaan ng Nexcelsium.
Gagawin ng Crazy 5 ang lahat para mawala si Amira sa kanilang landas at maangkin ang Mutya.
Ito ay mula sa produksiyon ng award-winning team ng GMA Public Affairs na nagbigay-buhay sa hit TV series na Lolong, The Write One, at Owe My Love.
Ang revenge drama na ito ay mula sa orihinal na konsepto ng Aeious Asin at ng yumaong si Reign Loleng. Isinulat ng Carlos Palanca Memorial Awardee na si Clar Estuar-Navarro, ang serye ay mula sa direksiyon ni Conrado Peru.
Kasama rin sa creative team sina Aya Anunciacion, RM Diamzon, Anthony Rodulfo, at Tin Gara.